Kung babasehan ang pananalita ng mga bata sa ngayon, tila unti-unting mawawala ang gamit ng ating sariling wika. Karaniwan, sa halip na “sandali lang” ang nasasambit ay “wait lang”. “Nakalunch ka na?” kesa “Nananghalian ka na?”Kapag higit sa isa o dalawa ang tatanungin – “Guys, naglunch na kayo?” Bakit “guys” na ang nakasanayan? Iilan na lamang ba sa atin ang nakarinig ng “banggerahan”? Kapag nag-eEnglish ang ang isang bata kadalasan na pinapansin siya bilang smart at cute. Kaya ba magsumikap o pilitin na English lang gamitin sa komunikasyon? Ano ang magiging kahihitnan ng kultura sa paghina ng wika? Hindi masama ang English o anumang wikang banyaga pero hindi naman sana dapat naisasakripisyo ang sariling wika. O mas masahol, nagiging mababa pa ang tingin kung wikang katutubo ang gamit.
Kamakailan, tinuran ni Danica Salazar, Filipina na editor ng Oxford English Dictionary, na ang uri ng pag-eEnglish ng mga Filipino ay lehitimo (matuwid o naayon sa batas). Aniya, ang Philippine English ay “not slang, not wrong, not carabao English, or any other derogatory word that’s been used over the years.” Ibig sabihin, hindi natin kailangang maging tunog Americano o British para masabing tama ang ating English. Kapag pipilitin natin na magkakagayon mamimilipit tayo at baka doon pa maging carabao ang English natin (pasintaabi sa tunay na kalabaw). Sa katunayan pa nga raw, ang Philippine English ay isa sa mga pinakanauunawaan sa pakikipagtalastasan.
Kung pahahabain pa natin ang usapin, hindi lamang ang Philippine English ang ituturing na “lehitimo” kundi ang Filipino Language mismo. Hindi dapat maging mababa ang tingin kung ang gamit na salita ay katutubo, higit lalo sa loob ng ating sariling bayan. Kung mas higit na hinahangaan o tinitingala sa atin ay yaong nagsasalita ng English, paano na nga lang ba ang tingin (turing) natin sa isa’t-isa sa pagtaTagalog. Kung normal pa ang sitwasyon sa ngayon, ang pagtaTagalog ay ginagawang isang programa sa pamamagitan ng pagbihis ng ating pambansang kasuotan. Tila nagiging palabas na lamang ang pagmamahal sa Sariling Wika.
Bagamat kalikasan ng wika ang pag-inog, hindi naman nangangahulugan na gagamitin natin ito na mali, o kaya sa maling pamamaraan. May mga pagkakataon kasi na mali ang salita pero yun na rin ang nagagamit. At kapag nakasanayan, yun na ang parang wasto. Halimbawa na lamang ay ang ilang mga kataga na ginagamit natin ngayong pandemya. Sanay na tayong gamitin ang skeletal workforce, samantala ang tama ay skeleton workforce. Ang skeleton ay bahagi ng katawan na sumusuporta sa buong istruktura ng organismo. Kaya nga, dahil hindi makapapasok ang lahat, ang skeleton na lamang muna. Ayon sa talahulugan ang skeleton ay “something reduced to its minimum form or essential parts”. (Merriam-Webster) Sa kabilang banda, kung ang gagamitin ay skeletal ito ay mangangahulugan bilang pagmimistulang patay. Ayaw ata natin na ang ititira na magtratrabaho sa opisina ay pawang mga bangkay. Gayundin sa distancing, ang ipinakikiusap sa atin ay ang mag-iwas na magkumpol-kumpol, ibig sabihin hindi magkakatabi ang ating mga katawan – physical distancing, ika nga. Ang pahiwatig naman ng social distancing ay pagkakawatak-watak o paghihiwalay. Taliwas ito sa sinasabi nating “We heal as one”. Hindi tayo magkakatabi pero hindi tayo magkakahiwalay. We are only distant physically but we are all in this together (socially).
Isa pang salita na nauuso ngayon ay webinar. Ito ay seminar sa web, sa internet o kaya online. Pinagsama ang dalawang salita. Ang ating protesta ay nasa salitang-ugat. Ang seminar ay galing sa katagang Latin na “semen” ibig sabihin ay binhi. Dahil tinanggal ang “semi”, ano saysay na ngayon ng “nar”? Baka mas mainam kung “websemin”, “onlisem” o “seminet”. Parang “abrelata”, kaagad ay tukoy mo kung anong ibig sabihin. Ang mga ito ay sumasaklaw sa pakahulugan ng pinagdugtong na mga salita. Ang literal na pagsalin ng “webinar” ay web o internet na walang butil. Kung ang butil ay simbolo ng pag-asa, alam na this.
Sa huli, ano nga ba ang opisyal na wika ng ating bansa? Nasasaad sa ating Saligang Batas na Filipino. Ang Filipino ba ay pananalita? Hindi baga na kapag sinabing salita ay Tagalog, Bisaya, Iloko, Kapampangan,etc. Parang dito sa ating probinsya, meron tayong Cuyunin, Agutaynin, Cagayanin, Tagbanua, pero tinuturing ba natin na ang wika natin ay Palaweño? Kapag nag-uusap ba tayo ay gamit natin ay Palaweño?
Mahalin natin at palakasin ang ating Wika. Kung mawawala ito baka dahan-dahan din na magiging mahina ang tibay at ugat ng kulturang Pilipino… Wika o weak ka? … Para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, MABUHAY!