Sep 26, 2020

Makatotohanan

Ang wika ay biyaya. Gamit ito sa ugnayan. Sangkap sa pagbubuklod. Maraming kapamaraanan ang wika – sinasambit, sinusulat, kinakanta, ipinipinta, at kung anu-ano pa. Ang silbi ng salita ay makapagpahayag ng saloobin. Kung wala namang saloobin, bakit pa magsasalita? Kapag wala naman sa loob ang mga salita nagmimistula itong pag-iingay at walang saysay. Hindi na ito maituturing na biyaya.

Mas maraming alam na wika, mas  mabiyaya. Nakalalamang ang bilingual o multilingual sa negosyo o empleyo. May isang araw ng linggo na nakapagmisa ako ng English, Filipino at Spanish. “Buháy ka po rito sa America, Father! Dami nyo pong alam na language e,” komentaryo ng iilan. Sinubukan ko lamang kung kaya. Pero batid ko sa aking sarili ang kaba at tila pinapawisan ng malamig kapag nagpapahayag sa banyagang wika. Pero likas ata talaga iyon sa pagsasanay ng wika – dapat pagpawisan at pagsumikapan. Kapag di nagagamit, ito ay kinakalawang at tuluyan ng nakalilimutan. Sayang naman ang biyaya.

Ang wika ay hindi lamang sa larangan ng balarila o correct grammar. Ito rin ay usapin ng etika o pag-uugali. Maaring ituring ang wika bilang tagapaghatid ng katotohanan. Ang pakikipagtalastas ay usapan o usapin lamang na makatotohanan. Ibig sabihin, kapag hindi totoo ang sinasabi ito ay walang silbi. Sa kabilang banda, maaari ding isipin na kung walang wika wala ring kabuluhan ang katotohan. Paano maipapahayag kung ano ang totoo kung wala namang pagwiwika? Sa madaling sabi, ano ang katotohan kung tikom naman mga labi. Batid mo ang totoo pero takot kang may makaaalam na alam mo. Malamang sa malamang, lihis na lamang sa katotohanan ang maipahahayag. Magiging taksil ka na sa iyong kalooban, sa katotohan at sa tunay na diwa ng wika.

May mga bagay na sa wari ko ay pawang di makatotohanan kapag naririnig ko ito na sinasabi ng iilan:

“Sila ang mag-ingat sa akin.” – Ang mas totoo? Kinakabahan at matakutin.

“Mababaw lang kaligayahan ko.”- Ang mas totoo? Malungkot at medyo maraming pangangailangan.

“Makakain lang ng tatlong beses ay okay na.” – Ang mas totoo? Ilang beses nagmemerienda at may listahan ng bucketlist.

“Handa na akong mamatay.” – Ang totoong handa na ay hindi na nakapagsasalita.

“Given another chance, ganitong buhay pa rin pipiliin ko.” – Repetition is boring. Bawat umaga ang pagsikat ng araw, iba ang sukat, iba ang kulay.

Kung hindi kayang maging totoo sa wika, sa diwa at gawa pa kaya? Para sa makabuluhan at makatotohanang pagdiriwang ng Buwan ng Wika!

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry