ODIONGAN, Romblon — Nakiisa ang ilang munisipyo sa lalawigan ng Romblon nitong ika-14 ng Nobyembre sa ikaapat na bahagi ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na ginanap sa iba’t ibang paaralan sa probinsya, sa gitna ng makulimlim na panahong dulot ng bagyong Ramon.
Umaga palang ay nagsimula na ang drill sa mga bayan ng Looc, San Andres, Banton, Corcuera, Concepcion, Alcantara, at San Agustin.
Eksaktong alas dos impunto naman ng hapon nang tumunog ang serena ng Bureau of Fire Protection – Odiongan, hudyat ng pagsisimula ng earthquake drill sa Poctoy Elementary School sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Ang senaryo rito ay may tumamang magnitude 7.1 na lindol sa probinsya dahil sa paggalaw ng Tablas Fault, dahilan upang may ma-trap na mga bata sa mga paaralan.
Habang lumilindol, sabay-sabay na nag “duck, cover, and hold” ang mga estudyante at guro hanggang sa dahan-dahang naglakad papunta sa open area ng paaralan kung saan idineklara nilang evacuation area.
Matapos mabilang na kulang ang mga bata, isang guro ang nagreport sa incident command center para humingi agad ng tulong para mahanap ang mga nawawala at posibleng na-trap sa loob ng paaralan.
Ang isa sa mga bata, kunwari ay may sugat at isa sa kanila ay nabalian ng buto na kailangan pang isakay ng stretcher para dalhin sa triage area kung saan ginamot ng mga nurse ng Rural Health Unit.
Sa exit conference na ginanap matapos ang drill sa Odiongan, napag-usapan ang mga dapat pang paghandaan ng mga guro at ng mga responders kagaya na lang ng kakulangan ng maayos na coordination plan ng paaralan pagdating sa mga ganitong sakuna.
Sa pangkalahatan, naging matagumpay naman ang mga drill na isinagawa sa probinsya na nilahukan ng mga personnel mula sa Romblon Police Provincial Hospital, Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Education (DepEd), Philippine Coast Guard (PCG), at iba’t ibang Disaster Risk Reduction and Management Offices at Rural Health Units. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)