Oct 28, 2020

Market Day sa Quezon, bubuksan na muli

Ayon kina councilor Jonair Bayabao at Elson Rayoso ng Sangguniang Bayan, and desisyon ng lokal na pamahalaan na buksan na muli ang Market Day ay bilang tulong sa mga katutubo na nakikinabang dito.

 

 

QUEZON, Palawan- Ibabalik mula sa June 20, 2020, ang Market Day na gaganapin tuwing Sabado sa palengke ng bayan na ito.

Ayon kina councilor Jonair Bayabao at Elson Rayoso ng Sangguniang Bayan, and desisyon ng lokal na pamahalaan na buksan na muli ang Market Day ay bilang tulong sa mga katutubo na nakikinabang dito.

Sabi ni Bayabao, maraming mga katutubo ang bumababa at naglalakad ng halos limang kilometro patungo sa bayan upang magtinda ng kanilang mga produkto, at ito lang ang kanilang inaasahan upang kumita o mag-barter ng mga kailangan nila.

“Halos araw-araw nakikita ko iyong mga katutubo na bumababa galing bundok at halos walang palya iyan na dumadaan sa bahay. Kung minsan maririnig ko mga hinaing nila, lalo na kapag hindi pa ubos mga produkto nila, kaya nakikiusap sila na ipagpalit na lang ng bigas. Kung minsan kahit hindi ko masyadong kailangan pero dahil naaawa ako binibigyan ko na lang, tapos ipinamimigay ko rin iyong produkto nila doon sa nangangailangan din,”pahayag niya.

Nilinaw din niya na ang Market Day ay para lamang sa mga katutubo, lokal na mga magsasaka, at maliliit na mga mangingisda sa nasabing bayan. Hindi pa pinapahintulutan ang mga may puwesto na regular sa palengke at taga ibang lugar para magtinda.

Ang Market Day lamang sa araw ng Sabado ang inaprobahan at ang araw ng Lunes na schedule ay hindi pa pinapahintulutan sa ngayon.

Ayon naman sa pahayag ni Rayoso may plano na kung papaano ang daloy sa loob ng pamilihan upang maisakatuparan ang social distancing at minimum health standards.

“Iisa lamang ang entrance at exit. One way lang ito at hindi na puwedeng bumalik kapag lumagpas na. Kung 50 katao lamang ang kasya sa loob, dapat iyon lang ang papasok, saka na lang dadagdag kapag mayroon nang lumabas,” ayon kay Rayoso.

Sa pahayag naman ni Mayor Joselito Ayala, sinabi niya na inaprobahan na niya at ng IATF chairperson ang market day sa araw lamang ng Sabado at ito ay magsisimula na ngayong linggo .

“Noong marinig natin ang proposal ng Sangguniang bayan tungkol dito, pinag-aralan at nag conduct ng actual inspection sa lugar para malaman ang sukat at dami nang mga tao na puwedeng pumasok, at agad naman nating inaprobahan ito,” sabi ni Ayala.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry