Hinahanap ng Anti-Crime Task Force (ACTF) sa Puerto Princesa City si Christopher Tamayo, ang lalaking nag-post sa kanyang Facebook account na siya ay ginulpi sa may Baltan area sa Barangay San Miguel ng mga kabataang tambay habang bumibili lang ng ulam noong Enero 20.

Sa Facebook live ng hepe ng ACTF na si Richard Ligad noong Huwebes (Enero 21), sinabi niya na dapat lumitaw si Tamayo para linawin at itama ang kanyang post na siya ay ginulpi dahil hindi umano ito ang katotohanan ayon sa kuwento ng mga nakakita sa pangyayari noong gabi ng Miyerkules.

“Kasi nag-post si Christopher Tamayo… ngayon, nagtingin kami sa blotter ng pulisya, wala ring naka-blotter doon, maging sa anti-crime na nabugbog siya. Nilagay niya lang dito sa social media na sabi niya, binugbog siya ng mga kabataan na bumibili lang siya ng ulam dito sa Baltan,” pahayag ni Ligad sa live post niya kasama at kausap ang isang witness na hindi niya pinangalanan.

Tinanong ni Ligad ang witness kung totoo ang sinabi ni Tamayo na siya ay nabugbog at sinabi naman ng witness na totoo yon.

“Nakipag-appear-an siya doon sa mga bata, tapos tinawag ko yong isang bata kung kakilala nila. Hindi raw nila kilala, nakipag-appear-an lang daw. Ngayon, umalis siya, sumakay sa Raider niya, umalis papunta doon. Hindi namin alam kung saan pumunta,” pahayag ng witness.

- Advertisement -

Ayon pa sa witness, ilang sandali ang lumipas ay umalis si Tamayo sakay ng kanyang Raider 150 na motorbike. Ngunit bumalik ulit ito sa lugar kasama ang isang lalaking nagmamaneho ng iba ng motorsiklo na Fury na puti.

Bumalik ito sa lamay at doon ay biglang nagsisisigaw, ayon sa isang witness na ayaw pabanggit ng pangalan.

“Pagdating niya dito, nagsabi siya na kung sino raw yong matapang ay maglabas. Nagsipagtayuan po yong mga bata, pagtayuan ng mga bata, kumuha siya ng kahoy — dinampot niya yong dos por dos,” pahayag pa ng lalaking witness kay Ligad.

Sabi ni Ligad, hindi siya naniwala agad na ito ay bubugbugin ng walang dahilan. Kasi kung ito ang katotohanan ay hahanapin nila ang bumugbog dito.

Muling nagsalita ang witness na kausap ni Ligad at ipinakita sa kanya ang dos por dos na diumano ay dinampot ni Tamayo. Sinabi rin ng witness na ang biktima ay lasing.

“Nagsitayuan na ang mga bata. Pagtayuan ng mga bata, dinampot niya ito (kahoy) sa tabi. Pagbuhat niya ng kahoy, gusto niyang ipalo sa mga bata. Tumalbog yong kahoy, nabitawan niya. Lasing po kasi sa salita niya pa lang dito… amoy alak,” dagdag kuwento ng witness.

Gusto pa sanang damputin ni Tamayo ang kahoy, ngunit naunahan na ito dahil dinampot na ng mga bata at inunahan na siya hinampas. Sa puntong iyon na diumano naghabulan sina Tamayo at ang mga kabataan.

Nang maabutan ito ng mga kabataan ay nagulpi ito. Sabi ng witness, tumakbo si Tamayo sa lugar kung nasaan ang kanyang kasamahan at bumalik pa at nagtanong kung sino ang bumugbog sa kanya.

Sabi ni Ligad, kung nagulpi si Tamayo, ang dapat na naging aksyon nito ay ang mag-file ng reklamo sa pulisya o hindi kaya ay sa ACTF.

“Kaya ikaw Christopher Tamayo, yong post mo — naawa rin ako noong una sa pagmumukha mo. Ginulpi ka ng ganyan na lang, ano? Ngayon, pakiayos lang yong post mo, paki kumpleto kung bakit ginulpi. Kung anong nangyari sayo. Bakit ka ginulpi? Pakilagay mo na pumunta ka dito sa lamay, naghanap ka ng away,” pahayag ni Ligad.

“Pati lamay ng may lamay, inistorbo mo. Puwede ka namang magreklamo kung totoong nangyari yon. Kasi pati kami nagulat kami, walang file. Hindi ka pumunta ng PNP, hindi ka pumunta ng anti-crime. Sabagay nakakahiya nga naman kung ganoong talagang lasing ka, tapos ikaw ang nag-provoke, nagulpi ka tuloy,” pahayag ni Ligad.

 

 

Previous articleSec. Roque kicks off Rio Tuba Mining’s journey to 5 million trees
Next articleAgutaya barangay placed under lockdown after death of COVID-19 patient
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.