Jul 8, 2020

Encoding team ng SAP card data binuo sa Culion

Ayon kay Culion Mayor Virginia De Vera, binuo nito ang nasabing grupo upang tulungan ang mga barangay worker sa pagsasa-ayos ng mga datos na nakalap mula sa SAP Form na sinagutan ng mga benepisyaryo upang masigurong tama at organisado ito.

Ang Social Amelioration Program (SAP) Card data encoding team ng Bayan ng Culion na tumutulong sa mga barangay official/workers upang mapabilis ang pagsasa-ayos ng mga datus ng mga benepisyaryo ng SAP. (Larawan mula sa Munisipyo ng Culion Facebook Page)

Bumuo ng Social Amelioration Program (SAP) Card data encoding team ang Bayan ng Culion upang mabilis na maisa-ayos ang mga datos ng mga benepisyaryo ng SAP sa nasabing munisipyo.

Ayon kay Culion Mayor Virginia De Vera, binuo nito ang nasabing grupo upang tulungan ang mga barangay worker sa pagsasa-ayos ng mga datos na nakalap mula sa SAP Form na sinagutan ng mga benepisyaryo upang masigurong tama at organisado ito.

Dagdag pa ni Mayor De Vera, sa pamamagitan nito ay matutukoy agad kung may kulang o mali sa mga datos na inilagay sa forms ng mga benepisyaryo bago ito isumite sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tinalaga ni Mayor De Vera si Municipal Budget Officer Apple Sotero upang pamunuan ang COVID-SAP Card data encoding team. Ito ay binubuo ng 40 encoders na mga kawani ng munisipyo at sila ang aalalay sa mga barangay official/worker sa pagsasa-ayos ng mga ito.

Tiniyak din ni Mayor De Vera na ang lahat ng natukoy ng DSWD na mahihirap upang maging benepisyaryo sa SAP ay mabibigyan ng card at walang pipiliin o maiiwanan.

Ang SAP ay tulong ng pamahalaan sa mga mahihirap na sektor na naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Ilan sa mga natukoy na benepisyaryo nito ay ang mga senior citizen, Persons With Disabilities (PWDs), mga buntis, solo parents, Distressed Overseas Filipino Workers (OFW na nawalan ng trabaho at pinauwi), mga katutubo, magsasaka, mangingisda, self-employed, informal settlers at lahat ng mga Pilipinong ‘no work, no pay’ gaya ng mga jeepney driver, tricycle driver, kasambahay, mga manggagawa sa konstruksiyon, labandera, manikurista at iba pa.

Ang SAP ay nakapaloob sa Republic Act 11469 o itong We Heal As One Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte kamakailan. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry