Nov 27, 2020

Construction worker, nasawi sa aksidente sa Roxas

Kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office (PPO), ang nasawing lalaki na si Lito Abid Fresnillo, 27, construction worker, at residente ng nasabing lugar.

(Photo courtesy of Roxas Municipal Police Station)

 

Isang lalaki ang namatay nang madisgrasya matapos makaidlip habang nagmamaneho dahil sa kalasingan sa Purok 2-Magsasaka, Sitio Malico, Barangay Tagumpay sa bayan ng Roxas, Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office (PPO), ang nasawing lalaki na si Lito Abid Fresnillo, 27, construction worker, at residente ng nasabing lugar.

Ayon kay P/Cpl. Anthony Ian Austria, investigator-on-case, nasawi si Fresnillo matapos tumama ang kanyang ulo sa mabatong bahagi ng daan dulot ng pagkakaidlip nito dahil sa kalasingan.

“Mula sa trabaho, papunta siya sa barkada niya, at nagmaneho. Lasing siya at nakita ng mga taga doon na nagpa-gewang gewang Nakaidlip dahil sa lasing, sa pagtumba niya nasubsob ang ulo niya sa lupa, medyo mabato, tumama ‘yong ulo niya sa bato na nakausli,” ayon kay Austria.

Nagtamo ng tama sa kanyang ulo si Fresnillo, naidala sa ospital ngunit naideklara ring dead-on-arrival.

Samantala, ayon kay P/Maj. Annalyn Palma, hepe ng Roxas Municipal Police Station (MPS) simula ng maalis sa general community quarantine (GCQ) at mailipat sa modified general community quarantine (MGCQ), tumaas ang bilang ng aksidente sa bayan.

“After ng GCQ natin, noong pinayagan na ang pagbiyahe ng mga motorsiklo, at naging maluwag na rin, naging sunod-sunod rin ang ating mga vehicular accident,” dagdag niya.

Nagpaalala naman si Palma na mag-ingat ang mga motorista sa pagmamaneho at iwasang uminom bago magbiyahe upang maiwasan ang insidente.

“Nais ko pong ipaalala mula dito sa bayan ng Roxas, sa ating motorista na bumabyahe patungo sa iba’t ibang munisipyo dito sa Norte. Nais ko pong ipaalala na mag-ingat po habang kayo ay nagmamaneho, iwasan po natin na tayo po ay nakainom. Kasalukuyan po tumataas ang ating reported vehicular accident dito po sa bayan ng Roxas,” sabi ni Palma.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry