Tinatayang ₱28.6 milyong halaga ng umano’y smuggled na sigarilyo ang nasamsam habang dalawang indibidwal ang naaresto sa Puerto Princesa City Police Office Station 2 at Bureau of Customs sa Barangay Sta. Monica nitong Martes, June 9.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa umano’y iligal na kargamento.
Sinubukan pa umanong tumakas ng mga suspek sakay ng isang elf truck matapos silang sitahin sa isang Oplan Sita, ngunit agad din silang naaresto ng mga awtoridad.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre sa loob ng sasakyan ang 188 master cases ng sigarilyo na may kabuuang market value na ₱28,678,766.
Nasa kustodiya na ng PS2 ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), Republic Act No. 12022 (Anti-Agricultural Economic Sabotage Act), Section 263 ng National Internal Revenue Code, at Republic Act No. 10643 (Graphic Health Warnings Law).



