Humihingi ng malinaw na paliwanag ang mga estudyante ng Western Philippines University (WPU) El Nido External Campus matapos umanong makatanggap ng magkakasalungat na impormasyon tungkol sa kinabukasan ng Bachelor of Agricultural Technology (BAT) program.
Gayunman, sa opisyal na pahayag na ipinadala sa Palawan News, tiniyak ng WPU na lahat ng kasalukuyang naka-enroll sa BAT program sa El Nido ay papayagang tapusin ang buong apat na taong kurso sa kanilang campus sa ilalim ng isang phased-down implementation, kasunod ng pakikipag-ugnayan ng unibersidad sa Commission on Higher Education (CHED) MIMAROPA.
Ayon sa WPU, ang Certificate of Program Compliance (COPC) na ginagamit ng BAT program sa El Nido ay mula pa noong 2014 at para lamang sa first at second year levels.
Upang maprotektahan ang interes ng mga estudyante, humihiling na ang administrator ng WPU El Nido Campus na payagan ang kasalukuyang batch ng BAT students na makumpleto ang kanilang third at fourth year sa El Nido.
Habang hinihintay pa umano ang pag-apruba ng kahilingang ito, ipinababatid sa mga estudyante na maaari na nilang tapusin ang apat na taong programa.
“The Campus Admin prematurely disseminated the information, without approval of the university administration, stating that the BAT Program had already been approved to operate until the Fourth Year Level, instead of the original Second Year Level,” ayon sa statement ng WPU.
Ayon pa sa unibersidad, matapos ang pulong ng mga opisyal ng WPU at ng Supreme Student Council (SSC) ng El Nido Campus noong July 10, nangako si WPU President Amabel S. Liao na personal na makikipag-ugnayan sa CHED MIMAROPA upang hilingin na pahintulutan ang kasalukuyang BAT students na makumpleto ang kanilang kurso sa El Nido sa ilalim ng phased-down implementation.
Kasabay nito, sinabi ng WPU na isinusulong din nito ang accreditation requirements para sa Bachelor of Science in Agribusiness, na siyang papalit sa BAT program na nakatakda nang i-phase out alinsunod sa CHED Memorandum Order No. 23, Series of 2021.
Ayon sa pahayag, noong July 14 ay napagtibay na ang kasalukuyang mga estudyante ng BAT ay papayagang tapusin ang buong apat na taong programa sa El Nido.
“All currently enrolled BAT students will be allowed to complete the full four-year Bachelor of Agricultural Technology program in their campus through a phased-down implementation,” ayon sa WPU.
Sinabi rin ng unibersidad na habang inihahanda nito ang opisyal na anunsyo ng naturang development, naglabas ng Facebook post ang president ng WPU El Nido Supreme Student Council noong July 15.
“Hence, this official statement is issued to clarify the facts, provide the correct context of recent developments, and address questions raised by members of the University community,” dagdag ng WPU.
Tiniyak din ng unibersidad na nananatiling bukas ang tanggapan ng university president sa mga estudyante, magulang, guro, empleyado, alumni at iba pang stakeholders.
Sa kanyang post, sinabi ni WPU El Nido Supreme Student Council President Mary Ann G. Gineza, na isa ring BAT student, na nagdulot ng matinding pangamba sa mga estudyante ang magkakasalungat na impormasyong kanilang natanggap nitong mga nakaraang araw.
“I am writing this not only as the SSC President of WPU El Nido External Campus, but as an Agriculture student na hanggang ngayon ay hindi alam kung ano ba talaga ang mangyayari sa kursong pinili at pinagkatiwalaan ko. And yes, galit ako. Nasasaktan ako,” ani Gineza sa kanyang Facebook post.
Ayon kay Gineza, noong mag-enroll sila noong 2025 ay paulit-ulit silang tiniyak na maaari nilang tapusin ang apat na taong BAT program sa El Nido.
“‘Four years na ba talaga ang course na ito dito sa El Nido?’ And we were repeatedly assured that four years na ang course dito. We trusted that information. I trusted it,” aniya.
Ngunit sinabi niyang sa isang pulong kasama ang mga opisyal mula sa main campus ay sinabi sa kanila na maaaring kailanganin nilang lumipat matapos ang kanilang second year at ipinaliwanag na sa Busuanga nakaangkla ang programa dahil doon lamang ito may awtorisasyon.
“We were told that we may have to transfer after our second year, and concerns were raised about the current arrangement and status of the Agriculture program here in El Nido,” aniya.
Dahil dito, sinabi niyang maraming estudyante ang nalito sa magkakaibang impormasyong kanilang natanggap.
“Ano ba talaga ang totoo? Anong papel ang inaayos? Ano ang official status ng course namin? Four years ba talaga kami dito o hindi? Kailangan ba naming lumipat o hindi? Legal ba ito o hindi?” tanong ni Gineza.
Aniya, hindi lamang administratibong usapin ang kanilang kinakaharap kundi ang kanilang kinabukasan.
Hiniling din niya sa administrasyon na magbigay ng malinaw, opisyal at nakasulat na paliwanag tungkol sa status ng programa, at sa magiging epekto nito sa kanilang pag-aaral.
“This time, we need the truth. We deserve a clear, official, and documented answer about the status of our BAT program, whether we can complete four years here in El Nido, whether we need to transfer, what documents are being processed, and how any changes could affect our subjects, graduation timeline, finances, and future,” ani Gineza.
Iginiit niya na hindi naghahanap ng alitan ang mga estudyante kundi malinaw na kasagutan.
“Hindi kami naghahanap ng gulo. Naghahanap kami ng sagot. Hindi kami nagtatanong para manira. Nagtatanong kami dahil future namin ang nakataya,” aniya.
Sa opisyal nitong pahayag, muling hinikayat ng WPU ang mga estudyante at iba pang miyembro ng komunidad na beripikahin ang impormasyon sa mga opisyal na komunikasyon ng unibersidad upang matiyak na nakatatanggap sila ng tama at napapanahong mga update.



