Ang Green Island sa Roxas, Palawan kung saan itinatayo ang Reverse Osmosis Water Station ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, upang magkaroon dito ng malinis na inuming tubig. | Larawan mula kay JC Acosta/Palawan Moving Forward

Matatapos na ang ginagawang water system project ng pamahalaang panlalawigan sa Green Island sa Barangay Tumarbong sa bayan ng Roxas sa hilagang Palawan.

Ayon sa impormasyong ibinahagi ng Palawan Moving Forward sa kanilang Facebook page, ang proyektong ito ay sa pamamagitan ng Reverse Osmosis Water Station kung saan ang tubig-alat o saltwater ay magiging high quality potable water na.

Nilaanan ito ng pamahalaang panlalawigan ng pondong nagkakahalaga ng P8 milyon at sinimulan noong Abril 2020. Target din na matapos ito ngayong Abril.

Ang Provincial Economic Enterprise and Development Office (PEEDO) ng pamahalaang panlalawigan ang mamamahala sa nasabing proyekto.

Mahigit sa 300 mga residente naman ng nasabing isla na matagal nang walang sariling pinagkukunan ng malinis na inuming tubig ang maseserbisyuhan ng naturang proyekto.

Ang proyektong ito ay naisakatuparan sa ilalim ng Provincewide Water Infrastructure Office ng pamahalaang panlalawigan na ang hangarin ay makapagbigay ng malinis na inuming tubig sa mga Palawenyo.

Ang Green Island ay isang maliit na isla na halos sampung kilometro ang layo sa mainland ng Bayan ng Roxas. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Previous articlePrinting machine para sa DepEd district sa San Vicente, ipinagkaloob ng pamahalaang bayan
Next articleConstruction worker patay sa pananaksak dahil sa alitan sa lighter