Isang set ng water pump, water tank, at iba pang accessories ang ipinagkaloob ng pamahalaang bayan ng Magsaysay sa asosasyon ng mga magsasaka ng bayan bilang bahagi ng suporta sa mga naapektuhan ng pandemya.
Pormal na isinalin ng pamahalaang bayan ang nasabing mga kagamitan sa pangangalaga ng mga magsasaka noong araw ng Martes, Hunyo 8.
Ang mga nabanggit na mga kagamitan ay hiniling ng lokal na pamahalaan sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng IABANTE executive agenda ng administrasyon.
Matatandaan na sa tulong ni acting Agriculture Technologist Kenny Arlou Alvarez at mga kasamahan nitong mga kawani ng Agriculture Office ng karatig munisipyo ng Cuyo ay nakapagpadala ng tulong ang DA sa bayan ng Magsaysay at sa buong Cuyo Group of Islands.
Nagpasalamat naman si Mayor Manuel C Abrea sa mga naging daan upang makarating ang tulong sa mga magsasaka, partikular sima Michael Graciano R. Ilagan, Focal Person, Organic Agriculture Program, DA-RFO-4B at Anthony Evina, technical staff ng DA.
“Umaasa tayong sa tulong ng DA ay marami pa tayong mga kababayan na matulungan lalo na sa panahon ngayon ng pandemya hindi lamang sa Magsaysay kundi sa buong CAM (Cuyo Agutaya Magsaysay) Cluster dahil na rin sa pagtutulungan ng tatlong munisipyo lalo’t higit sa suporta ng ating mga MAO,” pahayag ni Abrea.
