Dalawang lalaki na may kasong murder at paglabag sa batas hinggil sa anti-violence against women and children ang inaresto sa mga bayan ng Narra at Coron noong Biyernes, Mayo 7.
Unang nahuli ang 31 taong gulang na si Richard Cabrestante Donde sa Barangay Turda sa munisipyo ng Coron. Siya ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act (RA) 9262 o “Anti-Violence Against Women and Their Children Act” na may kinalaman sa “economic abuse” o hindi pagbibigay ng suporta sa kanyang mag-ina.
“Nagsasama sila sila sa Araceli, tapos lumipat sila sa Barangay Turda dito sa Coron kasama ang anak nila. Noong nagka-pandemic, nag-away silang mag-asawa, hanggang sa mag-hiwalay. Iniwan siya ng asawa niya kasama ng anak niya, [at] bumalik [sila] ng Araceli. Hindi na siya nakapagpadala ng sustento, simula noon,” pahayag ng hepe ng Coron Municipal Police Station (MPS) na si P/Cpt. Ervin Plando.
Sa bayan ng Narra, inaresto sa kasong frustrated murder with attempted murder ang Rank No. 8 sa provincial level ng Barotac, Viejo, Iloilo.
Kinilala ang 56 anyos na suspek na si Samuel Bagaan Monecode na ayon sa hepe ng Narra MPS ay 13 taon ng nagtatago sa batas.
Si Monecode ay napagalaman na kamag-anak ng mag-ama na Rolly Basa at ng 60 anyos na si Rudy Basa, ng Sityo Lemery, Brgy. Tacras, sa nasabi ding bayan na naaresto noong madaling araw ng February 23, matapos na magpaputok ng mga hindi lisensyadong Baril.
“Matagal na din naming target itong suspek. Ngayong taon lang yan bumalik dito sa Tacras galing sa Roxas, palipat-lipat. [May] 13 years na ring nagtatago yan after niya magawa ang krimen sa Iloilo,” pahayag ni P/Maj. Dhenies Acosta ng Narra MPS.
Ayon pa kay Acosta, una pang may sinugod ito ng itak ng malasing ito sa lugar, na naging dahilan kaya ito natunton ng mga awtoridad.
“May isa siyang dinalhan ng itak, nitong nakaraang araw lang, nagwala doon. Ngayon ni-report sa amin ng kapitan. Agad kaming humingi ng tulong sa mga intelligence community, kaya nakuha na namin,” dagdag ni Acosta.
Ang pag-aresto sa suspek ay sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Daniel Antonio Gerardo B. Anular ng RTC 6th Judicial Region, Branch 66 ng Barotac, Viejo, Iloilo, na may inirerekomendang P200,000 na piyansa.
Nakatakdang ibyahe ang suspek sa probinsiya ng Iloilo upang doon harapin ang kanyang kaso.
