Walang itinakdang deadline ang city government ng Puerto Princesa sa pagsusumite ng Landbank account details para sa student assistance, at walang opisyal na naka-enroll na estudyante sa mga pampublikong paaralan ang mawawalan ng tulong, ayon sa paglilinaw ng city government.
Sa kanyang paglilinaw, ipinaliwanag ni City Information Officer Atty. Glaiza Vicente-Moncatar na ang July 29 ay para lamang matukoy ang mga benepisyaryong maisasama sa unang mga batch ng release ng ₱3,000 student assistance at hindi ito final cutoff.
“As per our TWG for our SAP, the July 29 deadline was initial deadline na binigay para sa ating mga parents/guardians so they can start to open their Piso Plus Accounts or submit the details needed if they have existing LBP accounts,” ani Moncatar.
“Pero the July 29 deadline does not necessarily mean cutoff for our beneficiaries. Ang effect lang po nito is mapapasama sa mga unang batches of SAP release ang makaka-comply by July 29,” dagdag niya.
Ito ay kasunod ng kalituhan ng ilang magulang at guardian sa magkakaibang deadline na maaari umanong ipinaabot ng mga public school kaugnay ng pagbubukas ng Landbank Piso Plus account.
Ayon kay Moncatar, walang deadline na itinakda ang city government sa pagsusumite ng account details.
Ipinabatid lamang sa mga administrative officer ng mga paaralan na unang ipoproseso ang mga section na unang makapagsusumite.
“The CGPP (City Government of Puerto Princesa) did not set a deadline for the submission of their account details. However, the AOs of the different schools were informed that the sections whose account details are submitted first will also be processed first,” ani Moncatar.
Sinabi niyang posibleng nagtakda ang mga paaralan ng magkakaibang deadline upang magkaroon sila ng sapat na oras sa pag-aayos at pagproseso ng account details bago isumite ang mga ito.
“We assume this is the reason why schools set different deadlines—to give them enough time to organize and process the account details submitted to them,” aniya.
Dapat patuloy na tumanggap ang mga paaralan ng account details kahit lumampas na sa July 27, July 29 o iba pang petsang kanilang itinakda.
Tiniyak din niyang walang opisyal na naka-enroll na estudyante sa public school system ng lungsod ang aalisin sa listahan dahil lamang sa hindi agad pagsusumite ng account details.
“Wala po tayong sinet na deadline so schools are aware that they should continue accepting account details even beyond the deadlines they may have set for their respective schools,” ani Moncatar.
“Yes. All officially enrolled students in our public school system will be able to claim their student assistance. Wala pong aalisin,” aniya.
Gayunman, nakadepende sa pagproseso at pag-apruba ng Landbank account kung kailan matatanggap ng mga estudyante ang kanilang allowance.
Para sa mga aplikasyong nananatiling pending, hinihingi ng Landbank sa mga aplikante na hintayin ang approval o confirmation habang isa-isang bineberipika ang mga isinumiteng detalye.
“They are reportedly verifying all the submitted details one by one. One of the reasons daw po why an application may remain pending is that there may be errors in the details submitted,” ani Moncatar.
Batay sa account-opening guide na ipinaabot sa mga magulang, maaaring ma-return ang application dahil sa maling spelling, hindi kumpletong maiden name ng ina o kulang na impormasyon.



