Kinansela ni Vice President Sara Duterte ang kanyang nakatakdang anim na araw na personal na biyahe sa Japan matapos ihayag ng Malacañang sa publiko ang kanyang travel authority at mga gastusing kaugnay sa seguridad at staff.
Nakatakda sanang bumiyahe si Duterte sa Japan mula Augusto 19 hanggang 24. Sinabi niyang personal niyang biyahe ito at walang gagastusing pondo ng gobyerno para sa kanyang mga personal na gastusin.
Naaprubahan na rin ng Office of the President, sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary, ang foreign travel authority para sa biyahe.
Gayunman, nagpadala ang Office of the Vice President ng “very urgent” memorandum sa Office of the Executive Secretary nitong Martes para ipaalam ang pagkansela sa biyahe.
“My plans have since changed, and the updated information on this matter was formally submitted to the Office of the President,” sabi ni Duterte sa isang pahayag.
Bago nito, pinuna ni Duterte ang ilang media outlet dahil sa umano’y hindi tumpak na pag-uulat tungkol sa kanyang biyahe at hinimok ang mga ito na beripikahin muna ang impormasyon bago maglathala.
Sinabi rin niya na ang patuloy na paglalabas ng kanyang travel schedule ay isang seryosong usapin sa seguridad dahil maaari umano siyang malagay sa mas mataas na panganib.
Gayunman, sinabi ng Malacañang na may karapatan ang publiko na malaman ang naturang biyahe dahil may ginagastos na pampublikong pondo para sa seguridad at staff ng bise presidente.
“There is nothing wrong with informing the public about the travel authority, as public funds are being spent on her security and staff,” ani Palace Press Officer Claire Castro.
Ayon kay Castro, umabot sa P7 milyon ang ginastos ng gobyerno para sa seguridad at staff ni Duterte sa kanyang mga foreign trip.
“The government spent P7 million for her security and staff for her foreign trips. Filipino people deserve to know where the public funds go,” dagdag niya.
Bilang tugon, sinabi ni Duterte na hindi dapat ihingi ang transparency at accountability sa iisang tanggapan lamang ng pamahalaan.
Hiniling din niya na ilabas sa publiko ang impormasyon tungkol sa mga travel authority na inisyu ng Malacañang, kasama ang kaukulang gastusin at pampublikong pondong ginamit sa mga biyahe.
Ang kinanselang Japan trip ay ilang linggo lamang matapos ang dalawang linggong foreign trip ni Duterte mula July 16 hanggang 31, na kinabibilangan ng Qatar, Germany, United Kingdom, Northern Ireland at Netherlands.
Nangyari rin ang mga biyahe habang nagpapatuloy ang impeachment trial ni Duterte sa Senado, kung saan nahaharap siya sa mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng gobyerno, unexplained wealth, korapsyon at pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.



