Inaresto ang isang 31-anyos na van driver sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong paglabag sa Violence Against Women and Their Children (VAWC) noong Setyembre 30 sa Brooke’s Point, Palawan.
Kinilala ang akusado sa alyas na “Jun,” residente ng Barangay Ipilan, na dinakip ng mga tauhan ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) at PNP Maritime Group 2nd Special Operations Unit dakong alas-10:51 ng umaga sa Barangay Pangobilian.
Inisyu ang warrant noong Setyembre 21, 2026 ni Acting Presiding Judge Panfilo Intud Sala Jr. ng Regional Trial Court Branch 165, na sumasaklaw sa Brooke’s Point at Española.
Nahaharap ang akusado sa kasong paglabag sa Section 5(a) ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Nagtakda ang korte ng ₱3,000 na piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.
Nasa kustodiya na ng Brooke’s Point MPS ang akusado habang hinihintay ang kaukulang disposisyon at pagsasagawa ng mga legal na proseso.



