Kalaboso ang isang 40 anyos na lalaki matapos masakote sa isinagawang anti-illegal drugs operation sa Barangay Sta. Lourdes, Puerto Princesa City, nitong July 27.
Ayon sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), dakong 5:55 ng hapon nang arestuhin ang suspek, na residente ng Barangay Sicsican, sa operasyon na ikinasa ng PNP Drug Enforcement Group kasama ang iba pang law enforcement agencies.
Nasamsam mula sa suspek ang mga pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱37,400, kabilang ang sachet na umano’y nabili ng poseur buyer sa buy-bust operation.
Matapos ang pagdakip, agad na minarkahan at idinokumento ng mga operatiba ang mga nakuhang ebidensiya bago ito isailalim sa laboratory examination ng Puerto Princesa City Forensic Unit.
Nakakulong na sa kustodiya ng PPCPO ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



