Pinag-aaralan ng Sangguniang Bayan ng Brooke’s Point ang panukalang ordinansa na magkakaloob ng taunang tulong sa materyales sa konstruksyon para sa maliliit na pagkukumpuni at maintenance ng mga kwalipikadong Child Development Center (CDC) sa bayan.
Batay sa tala ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), may kabuuang 49 na CDC sa Brooke’s Point na nagsisilbing lugar ng pagkatuto at pag-unlad ng mga bata.
Sa ilalim ng panukala, magbibigay ang lokal na pamahalaan ng mga pangunahing materyales na magagamit sa minor repairs at regular na pagpapanatili ng mga pasilidad upang matiyak na ligtas, maayos at angkop sa mga bata ang kanilang mga silid-aralan.
“ Tulong sa mga pangunahing materyales sa konstruksyon para sa maliliit na pagkukumpuni at pagpapanatili ng mga kwalipikadong Child Development Center, na tumutulong upang matiyak ang mas ligtas, mas angkop, at child-friendly environment sa pagkatuto para sa mga batang mag-aaral sa Brooke’s Point,” ayon sa panukala.
Binigyang-diin din sa panukala ang papel ng mga CDC sa early childhood development, kung saan nagsisimulang matuto at humubog ng mahahalagang kasanayan ang mga bata.
Layunin ng panukala na suportahan ang pagpapanatili ng mga pasilidad ng CDC upang magkaroon ang mga batang mag-aaral ng mas komportable at ligtas na kapaligiran habang nag-aaral.



