Tatlong panukala ang inihain ni Senador Erwin Tulfo nitong Martes na layong mapababa ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng pagtanggal sa ilang charges at buwis na ipinapasa sa mga consumer.
Kabilang dito ang Senate Bill No. 2339 na naglalayong ipawalang-bisa ang Batas Pambansa Blg. 36 na nagpapataw ng energy tax sa mga residential consumer.
Inihain din ni Tulfo ang Senate Bill No. 2340 na naglalayong alisin sa 12% value-added tax (VAT) ang system-loss charges, gayundin ang Proposed Senate Resolution No. 537 para repasuhin ang polisiya na nagpapahintulot sa mga utility company na ipasa sa mga consumer ang system losses.
Ayon kay Tulfo, nakapaloob lamang sa bahagi ng “government tax” sa electricity bill ang energy tax kaya hindi ito malinaw na nakahiwalay sa billing ng mga consumer.
“Pag inalis po natin iyon, malaking kabawasan din po iyon sa billing natin,” ani Tulfo.
Hindi pa aniya matukoy ang eksaktong halaga ng maaaring mabawas sa monthly electricity bill dahil ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang tutukoy nito.
Gayunman, sinabi ni Tulfo na batay sa paunang talakayan, maaaring maging malaki ang matitipid ng mga consumer kapag inalis ang VAT, system-loss charges at energy tax.
Kinuwestiyon din niya ang pagpasa sa mga consumer ng gastos na dulot ng system losses ng mga utility.
“Losses po nila iyon. Bakit icha-charge pa po sa iyo?” tanong ng senador.
Sa ilalim ng SB 2340, inaatasan ang ERC na tiyaking makikita mismo sa buwanang electricity bills ng residential consumers ang VAT exemption.
Ipagpapatuloy naman sa Huwebes ng Senate energy panel, na pinamumunuan ni Tulfo, ang pagdinig sa mga panukalang pagbabago sa Electric Power Industry Reform Act.
Inaasahang lalahok sa pagdinig ang mga power generator, distributor at electric cooperative.
Sinabi ni Tulfo na ang mga panukala ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address na mapababa ang presyo ng kuryente.
Target umano nilang maisabatas ang mga panukala bago matapos ang taon.
“Kakayanin po iyan, may instruction na po ang Pangulo,” ani Tulfo.



