Situation of Irawan river as of January 4. Photo courtesy of PPCWD.

Susubukan ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na kumuha ng tubig mula sa mga ilog ng Montible at Lapu-Lapu patungo sa Campo Uno catchment sa Barangay Irawan ngayong darating na Marso o Abril bilang bahagi ng contingency measures kung sakaling magiging malala ang problema sa suplay.

Sa pahayag ni PPCWD general manager Antonio Jesus Romasanta noong Miyerkules sa kanilang “Kapihan’, sinabi nito na gagawin nila ang kanilang makakaya para makapag-igib ng suplay ng tubig mula sa nasabing ilog patungo sa Campo Uno kung saan nila ito lilinisin.

Kung hindi man ito mangyari ngayong taon, sinabi niya na gagawin nila ang pag-iigib bago ang summer ng 2021.

“We will do our best na makuha natin siya, kahit ma-late siya this summer or siguro before summer of next year. Based doon sa gagawin natin magagamit na natin siya. Hindi pa ‘yon full operation pero pipilitin natin na magamit siya. Hopefully, kung hindi ko siya makukuha ngayon, March o April, within next year, ico-connect natin ‘yong tubo ng Montible. Even though hindi pa siya tapos, ico-connect natin ang tubig para magamit siya,” pahayag niya.

Sabi ni Romasanta, ang problema lang nila para magawa ito ng maaga ay ang booster pump na kanilang bibilhin mula sa Amerika dahil maaaring magtagal ng tatlo hanggang apat na buwan bago ito dumating.

Kailangan kasi ang booster pump para dumaloy ang tubig mula sa mga ilog ng Montible at Lapu-Lapu patungo sa Irawan.

“Isang issue dyan ay ‘yong booster pump kasi ‘yon ang pinakamalaking booster. Kahapon nasabi na meron silang nakita sa America. Pero it will take siguro three to four months bago dumating. Hindi puwede na walang booster. We will do our best na kung hindi man kami tumama sa timeline ay magawa sa lalong madaling panahon,” sabi ni Romasanta.

Ganito man, ipinahayag din niya na kinausap na nila kontraktor ng kanilang proyekto na bilisan ang paglalatag ng tubo para masubukan na makamit ang kanilang nais.

Sa latest progress report na ibinahagi ni Engr. Juan Arquero Jr., ang namumuno sa Water Supply Improvement Project (WSIP) Phase II project, nasa 13 percent na ang progreso sa Montible at Lapu-Lapu rivers as of January 2020 matapos itong umpisahan noong August 2019.

Sa target na 20 kilometrong haba ng tubo, nasa 4.8 kilometero na ang kanilang natatapos sa kasalukuyang panahon.

“Sana kung mabili-bilis tayo o wala tayong problema na ma-i-encounter along the way sa construction, maybe for the next summer ay makapag-augment na tayo ng kaunti sa ating supply pero hindi pa natin siya magagamit in full operation,” sabi ni Arquero.

Ang WSIP Phase II ay may dalawang taon bago makumpleto, sabi ni Arquero. May naging pagkaantala ito dahil sa tagal ng pag-deliver ng mga tubo, pero ginagawaan nila ng paraan para ito ma-resolba.

“The entire project is supposed to be completed in two years pero may contingency plan sana dyan na unahin ang pipe laying para makaigib ng tubig sa Montible kasi yong Montible ay hindi natutuyo kapag summer at i-divert muna ‘yong tubig papunta sa Campo Uno para dito i-treat,” idinagdag niya.

Samantala, ayon naman kay PPCWD board chairman Atty. Winston Gonzales, naging dahilan din ng pagkaantala ang pagkuha ng tree-cutting permits mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Aniya, may katagalan ang pagre-release nito ng DENR dahil sa iba-ibang kadahilanan.

Naging dahilan din ang mabagal na pagdating ng shipment ng mga pipes mula sa China patungo sa Palawan. Sa dami ng tubo na inangkat, hindi naging madali ang pagpapadala ng mga ito mula sa nasabing bansa.

“Pagdating ng mga pipes, talagang nagkaroon ng delay. We’re not making excuses, pero alam niyo naman na ‘yong mga tubo ay hindi galing kung saan, imported pa from China. Although ‘yong fabrication ay on time, nagkaroon naman ng delay sa shipment. In fact, pati ang hauling ay problema dahil hindi ma-i-transport at a single time lahat ng kailangang tubo,” paliwanag ni Gonzales.

 

Previous articleElderly man drowns in Tinagong Dagat river
Next articleNew virus cause of China pneumonia outbreak: WHO
is one of the senior reporters of Palawan News. She covers agriculture, business, and different feature stories. Her interests are collecting empty bottles, aesthetic earrings, and anything that is color yellow.