Patay sa pananaga ang isang trabahador ng vulcanizing shop sa Sitio Maranat 3, Brgy. Bacungan noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktima ng pulisya bilang si Joseph Deyta, 22, na residente ng naturang barangay. Ang suspek ay pinangalanan naman na si Rodrigo Jemilga, 51.
Ayon sa case investigator na si P/SSgt. Robert Dagala ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 2, ang suspek ay nakita ng ama ng biktima na si Joey Deyta na nag-uusap lamang bandang alas kuwatro ng hapon.
Maya-maya pa ay tinalikuran ng kanyang anak ang suspek na agad binunot ang itak sa baywang na ipinantaga sa likod na bahagi ng ulo ni Joseph.
Matapos ang pananaga ay hinabol pa rin ni Jemilga ang biktima. Tumigil lamang umano ito ng makita na bumagsak na sa lupa si Joseph.
“Ayon sa aming panayam sa mga witness magkasamang nag-iinuman itong biktima at suspek kasama ang dalawa pang iba. Sabay na umalis ang dalawa at nagbibiruan pero dahil sa kanilang pagbibiruan napikon itong si Jemilga, binunot ang bolo na nakasabit sa kanyang bewang at inundayan ng taga sa likurang bahagi ng ulo itong biktima,” ayon kay Dagala
Dinala ang biktima sa isang pribadong pagamutan, ngunit namatay ito makalipas ang isang oras.
Sumuko ang suspek sa lupong tagapamayapa ng Bacungan, ayon kay Dagala.