Nagtatayo ang Smart Communications ng tower nito sa Barangay Iraan sa bayan ng Rizal para magkaroon ng wifi connectivity, lalo na ang mga mag-aaral sa panahon ng blended learning continuity.
Ayon kay municipal councilor Arvin Fuentes noong Huwebes, matagal ng may application ang Smart para magtayo ng tower sa barangay ngunit hindi agad ito naumpisahan noong mga unang buwan ng 2020 dahil na rin sa coronavirus disease at mga quarantine control na itinaas para maiwasan ang paglaganap nito.
“Kapag maitayo na ito, malaking bagay ito sa mga taga-Iraan para hindi na sila mahirapan sa pagkokontak ng kanilang mga pamilya. May ibang naghahanap pa ng mataas na portion para magkaroon lang talaga ng signal,” sabi ni Fuentes.
Aniya, marami pang barangay sa Rizal ang pagtatayuan ng tower ng Smart at ito ay “good development” para sa mga residente ng munisipyo na umaasang balang araw ay magkakaroon din sila ng maayos na signal.
Ang mga barangay na susunod ay ang Bunog, Canipaan, at Taburi.
Samantala, para kay Lawrence Magbanua na residente ng Iraan, hindi na niya kailangang pumunta sa mga matataas na lugar para makasagap ng signal na nagmumula sa Brgy. Punta Baja.
“Masaya kasi ang laking tulong para sa mga taga-Iraan yong ipapatayo na tower ng Smart. Dati kasi piling-pili lang ang mga lugar sa Iraan na my malakas na signal makikita mo pa yong nag-o-online class na kailangan pumupunta pa ng tabing-dagat sa niyogan para lang magka-signal pero ngayon, kung mapapapatayo na yan di na kailangang gawin yon,” sabi ni Magbanua.