Ang San Jose Airport sa Occidental Mindoro. (Photo Credit: Voltaire N. Dequina)

SAN JOSE, Occidental Mindoro — Libre na ang Domestic Passenger Service Charge (DPSC) o terminal fee ng mga mag-aaral sa mga paliparang hawak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) simula pa noong ika-1 ng Agosto, ayon kay Christopher Enriquez, tagapamuno ng CAAP San Jose.

Ayon sa opisyal, makikinabang sa nasabing programa ang mga nasa pre-elementary hanggang kolehiyo.

“Libre din ang mga pumapasok sa technical at vocational schools maliban sa mga kumukuha ng short term courses tulad ng driving, dancing at culinary arts.” ayon kay Enriquez.

Hindi kasali sa libreng DPSC ang mga kumukuha ng medisina, abogasya, masteral at doctorate degrees at foreign students.

Paliwanag ni Enriquez, kailangang mag-apply ng student exemption certificate ang mga estudyante sa Malasakit Center, sa San Jose Airport.

”Fill up sila ng form at kasama ang kopya ng kanilang identification card at school registration, isusumite ito sa Malasakit (Center),” ani Enriquez.

Saad pa ng opisyal, sakaling maaprubahan ang aplikasyon ay ipapadala ang kopya ng certificate of exemption sa kanilang email.

“Sa ngayon, dahil naka-incorporate ang P150 terminal fee sa binabayaran nilang ticket, magre-refund muna sila,” ayon pa kay Enriquez.

Aniya, upang makapag-refund ng DPSC, dadalhin ng mga estudyante ang certificate of exemption kasama ang boarding pass, passenger’s ticket at itinerary receipt at ipapakita sa MC.

Samantala ipinaalala rin ni Enriquez na tanging ang mga magmumula ng San Jose patungong Maynila ang maaring mag-refund ng DPSC sa MC ng San Jose Airport.

“Kapag galing sila ng Maynila, sa Malasakit (Center) ng pinanggagalingan nilang paliparang pinamamahalaan ng CAAP sila magre-refund,” pagtatapos ni Enriquez. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Previous articleIpinatayong fish landing center ng BFAR sa Odiongan, magagamit na
Next articleRetired principal, unang IPMR sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon