BROOKE’S POINT, Palawan — Tatlong lalaki ang dinakip ng mga operatiba ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) matapos maaktuhang nagsasagawa ng iligal na tupada sa Sityo Mati, Barangay Pangobilian noong Linggo, Pebrero 21.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Emelio C. Canut, 58 taong gulang; Benjamin D. Dominia, 48 taong gulang; parehong residente ng Brgy. Pangobilian, at Joselito R. Rubio, 53 taong gulang, residente ng Brgy. Amas.
Matapos makatanggap ng sumbong mula sa ilang residente ay agad na pinuntahan ng Brooke’s Point MPS sa pangunguna ni P/Lt. Mark Sigue ang lugar kung saan nahuli ang mga suspek.
Nakumpiska ng mga operatiba ang dalawang patay at tatlong buhay na manok na ginamit sa iligal na sabong.
Nasa kustodiya ng Brooke’s Point MPS ang mga suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal cockfighting.
