Tatlo ang nadakip ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Barangay Pangobilian sa bayan ng Brooke’s Point, araw ng Linggo, Mayo 9.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Glomart Fuentes Maglangit, 30, at ang kasintahan nito na si Camille Bumacod Jaranilla, 22; at Ronaldo Bejeran Gulay, 44.
Maliban sa nabiling isang sachet ng pinaghihinalaang shabu, nakuha rin kay Maglangit ang apat pang sachet, at ang P1,000 na ginamit bilang buy-bust money.
Nakuha kay Gulay ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu P100 samantalang nakuha naman kay Jaranilla ang isang Huawei android phone at wallet.
Sa kabuuan aabot sa bigat na 0.14 grams ang nakumpiskang droga at P7,000 na pera sa tatlo.
Ayon kay P/Lt. Mark Sigue, hepe ng Brookes Point Municipal Police station (MPS), umabot sa halos isang buwan ang ginawang monitoring sa tatlo, bago ito naaresto kahapon kung saan, nabili ng isang asset ng pulis ang pinaghihinalaang shabu mula kay Maglangit.
“Pinababaran ko na ng tao namin ‘yan ng malaman ko na involed s’ya sa bentahan ng droga. Siya, lang talaga ang target namin pero nang kapkapan naming ang mga kasama niya may nakuha rin kaming item kay Gulay. Inaresto na rin Namin ang babae kasi nandoon din siya sa area,” pahayag ni Sigue.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Brooke’s Point MPS ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
