Ang mga miyembro ng Palawan Provincial Selection and Nomination Committee (PSNC) habang nagsasagawa ng canvassing of votes ng mga nominado ng Palawan para maging kinatawan sa regional selection ng PCA Board. | Larawan mula sa PCA-Palawan

Tatlo ang magiging kinatawan ng Palawan sa Regional Selection para sa board ng Philippine Coconut Authority (PCA) matapos ang isinagawang canvassing of votes ng Provincial Nomination Selection Committee (PNSC) noong Mayo 27 kung saan miyembro nito ang Philippine Information Agency (PIA)-Palawan.

Ang magiging kinatawan ng Palawan ay sina Ariston D. Arzaga na nominado ng Oring-Oring Perlas ng Silangan Coconut Farmers Organization; Edmundo R. Reblando na nominado ng CFC Ministry Cooperative Inc. at Victor P. Quintero na nominado naman ng Pangobilian Coconut Farmers Association.

Makakatunggali ng mga ito ang mga nominado naman mula sa Mindoro na sina Reynaldo A. Malaluan at Jaime G. Nuevas, Jr; sa Marinduque sina Restituto S. Costibolo at Johnny C. Francisco at sa Romblon si Benjamin M. Falqueza.

Labing-dalawang Coconut Farmers Associations, Organizations at Cooperatives sa Palawan ang nakiisa sa halalan kung saan sa pamamagitan ng kanilang resolusyon idinaan ang pagboto ng kanilang nais na magiging kinatawan ng lalawigan sa regional selection ng PCA-Board.

Ang canvassing of votes at proklamasyon ng mga nanalong nominado ay pinangunahan ni PCA-Palawan Officer-In Charge Acting Division Chief Arlo G. Solano.

Ayon kay Solano, ang mananalong tatlong nominado sa regional selection ang ilalaban naman ng rehiyon para sa island group category kung saan nakatakdang mag-convene ang regional selection sa Mayo 31 o Hunyo 1.

Ang pagkakaroon ng PCA-Board ay alinsunod sa Republic Act. 11524 o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Previous articleBayan ng Roxas nagtala ng 19 bagong kaso ng COVID-19
Next article33rd Marine Company holds outreach to IPs of Bgy. Kemdeng in San Vicente