Tatlong indibidwal ang nahuli ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) sa paggamit ng dalawang hindi rehistradong chainsaw sa isinagawang surveillance at enforcement operation sa Barangay Manlag, El Nido, Palawan noong Hulyo 14.
Ayon sa PCSDS, isinagawa ang operasyon ng Wildlife Enforcement Officers–North katuwang ang Provincial Government of Palawan–Peace and Security Cluster (PGP-PSC) sa Purok 3 ng barangay.
Sa operasyon, “naaktuhan ang mga indibidwal na gumagamit ng dalawang chainsaw sa pagputol at paghiwa ng mga punong kahoy na Falcata at Apitong.”
Sinabi ng PCSDS na napag-alamang walang kaukulang permit at rehistro ang mga chainsaw na ginamit ng mga suspek, na kinakailangan sa ilalim ng Republic Act No. 9175 o Chainsaw Act of 2002.
Bukod dito, sinabi rin ng ahensya na ang isinagawang pagputol ng mga puno ay paglabag din sa mga probisyon ng Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.
Agad na kinumpiska ng mga awtoridad ang dalawang chainsaw at nag-isyu ng mga seizure receipt. Dinala rin ang tatlong nahuling indibidwal, kasama ang mga nakumpiskang kagamitan, sa Barangay Hall para sa dokumentasyon at blotter recording.
Muling pinaalalahanan ng PCSDS ang publiko na ang paggamit, pagmamay-ari at pagdadala ng chainsaw ay nangangailangan ng kaukulang permit at rehistrasyon.
“Hinihikayat din ang lahat na makiisa sa pangangalaga ng kagubatan at agarang iulat ang anumang hinihinalang paglabag sa mga batas pangkalikasan sa pinakamalapit na PCSDS Enforcement Team,” ayon sa ahensya.



