Iginiit ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Adm. Jay Tarriela na hindi “wartime propaganda” ang transparency campaign ng pamahalaan sa West Philippine Sea (WPS), taliwas sa pahayag ni Sen. Robin Padilla.
Sa Facebook post nitong Biyernes, sinabi ni Tarriela na layunin lamang ng transparency initiative na idokumento at ilantad ang pangha-harass at agresyon ng China laban sa mga Pilipinong mangingisda at sa mga barko ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
“Senator Robin Padilla, with all due respect, our transparency initiative is not wartime propaganda. It is simply a means to expose Chinese aggression and harassment—particularly against our Filipino fishermen and our PCG and BFAR vessels. We do not create the incidents; we only document them,” ani Tarriela.
Nag-ugat ang palitan ng pahayag matapos punahin ni Padilla ang caricature ni Tarriela kay Chinese President Xi Jinping at akusahang pinalalala nito ang umano’y “wartime propaganda.”
Nauna rito, naglabas ang Chinese state media na China Daily ng AI-generated video na inilarawan ang mga Pilipino bilang mga unggoy at tinuligsa ang 2016 arbitral ruling. Bilang tugon, hinikayat ni Tarriela ang mga senador na bumatikos sa kanyang caricature na sa halip ay hilingin sa China ang paghingi ng paumanhin.
Binatikos din ni Tarriela ang naging pahayag ni Padilla kaugnay sa naturang video.
“Secondly, I believe it is an insult to the more than 26 million Filipinos who voted for you that you accepted that we are monkeys,” ani Tarriela.
Dagdag pa niya, hindi niya kailanman matatanggap ang paghahalintulad sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
“As a Filipino, I will never accept that my race is likened to monkeys—nor will I accept that future generations of our country be labeled as such. True respect for our race means defending it—not accepting insults. Filipinos are not monkeys!” aniya.
Nauna namang sinabi ni Padilla na si Tarriela ang “drew first blood” at siya umano ang nagsimula ng pag-eskalate ng “wartime propaganda.”
“This escalation into wartime propaganda was your genius creation,” ayon kay Padilla.
Kasunod ng paglabas ng AI-generated video, naghain ang Department of Foreign Affairs ng diplomatic protest laban sa China, habang kinondena rin ito nina National Security Adviser Eduardo Año Jr., Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., at ilang mambabatas na nanawagang humingi ng paumanhin ang Beijing.



