Higit isang linggo bago pa matapos ang voter’s registration ngayong buwan ng Setyembre, ay patuloy pa rin nananawagan ang mga tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga residente ng walong munisipyo sa bahaging sur ng lalawigan ng Palawan para magparehistro.
Panawagan ng mga municipal election officers (MEOs) sa walong munisipyo nito sa mga residenteng hindi pa nakapagparehistro, magtungo lamang sa mga tanggapan ng COMELEC simula alas otso ng umaga hanggang alas syete ng gabi, Lunes hanggang Sabado, at magdala ng isang kopya ng valid ID.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang isinasagawang mobile registration sa iba’t ibang barangay ng pitong bayan na kinabibilangan ng Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Sofronio Española, Brooke’s Point, at Balabac. Tanging ang bayan ng Bataraza pa lamang ang nakakumpleto na nito matapos isagawa ang huling mobile registration sa Barangay Sandoval noong ikalawang linggo ng buwang kasalukuyan..
“Second week of September, tapos na tayo sa Sandoval, last barangay and ibinalik natin ang on site registration sa ating opisina starting third week. Patuloy pa ring bukas ang aming opisina sa lahat ng mga taga-Bataraza na hindi pa nakapagrehistro,” pahayag ni Phoebe Narrazid, municipal election officer.
Nakatakda naman sa October 19 Election Registration Board (ERB) hearing para aprubahan ang mga aplikante upang maisama sa bilang ng rehistradong botante para sa darating na 2022 elections.
“More or less 4,000 ang aplikante natin, sa isinagawang voter’s registration from July up to this month, and malalaman natin kung ilan ang kabuuang botante ng Bataraza na dadagdag sa mahigit 48,000 voters last 2019 election,” dagdag niya.
Sa huling talaan ng Provincial COMELEC, noong 2019 elections ay ang munisipyo ng Bataraza ang may pinakamaraming registered voters sa lalawigan sa bilang na 48,491.
Samantala, sa bayan naman ng Sofronio Española, tinatayang nasa mahigit 2,000 ang bagong botante na dadagdag bilang ng botante na nasa mahigit 17,000 registered voters.
“From July 1st to September 6, meron na tayong 1,864 applicants at madaragdagan pa ito dahil on-going pa ang registration natin,” ayon kay Maria Lourdes Carolasan, election assistant II.
