Arestado ang isang residente ng Cuyo, Palawan matapos makumpiskahan ng humigit-kumulang 2.9 gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Bulwa, Barangay Cabigsing noong September 12.
Ayon sa Cuyo Municipal Police Station (MPS), isinagawa ang operasyon dakong alas-10:13 ng gabi sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 4B.
Nakabili ang poseur buyer ng isang pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 0.52 gramo gamit ang marked money.
Nakuha rin umano sa motorsiklo ng suspek ang dalawa pang pakete na may timbang na tinatayang 1.29 gramo at 1.09 gramo.
Sa kabuuan, nasa 2.9 gramo ang tinatayang timbang ng nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga, na may kabuuang halaga na tinatayang ₱19,720.
Dinala ang suspek sa Cuyo MPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda naman ang kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



