Pinangalanan na ng city police ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa mag-live in partner sa sarili nilang bahay sa Barangay Iwahig noong Agosto.
Sa panayam ng Palawan News kay P/Maj. Edgar Salazar, Biyernes, kinilala niya ang suspek sa pagpatay kina Nelson Quirino at sa kinakasama nitong si Baby Cortez na si Josam Dagio Capuno, 43, foreman/negosyante at residente ng Barangay Bucana-Matahimik.
Si Capuno, ayon kay Salazar, ay sangkot din sa isa pang krimen ng pagpatay.
Dagdag pa niya, sa ngayon ang nakikitang dahilan ng pagpatay sa live-in partner ay may kaugnayan sa trabaho.
Sabi ni Salazar, nakasuhan na ng two counts ng murder ang suspek matapos maituro ng witness na kaibigan ng mga namatay. Bukod sa insidente, kanilang tinitingnan ang pagkakaugnay nito sa isang krimen na nangyari malapit rin sa kanilang lugar.
“Itong kaso ng pagpatay at pagbaril doon sa mag-live in ay nai-file na natin, yong kaso na-solve na natin yan. Meron pa tayong tinitingnan na kaso na kinakasangkutan ng ating suspek na sa ngayon ay ating pinag-aaralan at kumukuha pa ng iba pang detalye para sa pagpa-file ng isang kaso. Patuloy pa tayong kumakalap ng impormasyon at hindi natin tinitigilan hangga’t hindi natin naipa-file ang kaso — kasi medyo sensational nga yong kasong ito,” ayon kay Salazar.
Matatandaang noong ika-9 ng Agosto nangyari ang krimen. Habang nagkakaroon ng kasiyahan sa labas ng bahay ng mag-live in partner, dumating ang suspek at pinagbabaril ang mga ito na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Nakaligtas ang kanilang anak na nasa loob ng bahay ng mangyari ang insidente at isa nilang kaibigan na kasama nila noong gabing ‘yon na siyang naging saksi at nakapagturo sa suspek.
Magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang baril na ginamit sa pagpatay sa mga biktima.