Isang babaeng suspek sa pagpaslang sa kanyang dalawang linggong gulang na sanggol ang dinakip ng mga awtoridad sa El Nido noong Sabado, January 30.
Nahaharap ang suspek na kinilalang si Michelle Ombre Sanchez, 20, sa salang parricide at subject ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Ambrosio de Luna ng RTC Branch 51 noong Disyembre 17, 2020.
Nahuli ang suspek sa kanyang tinutuluyan na bahay sa Sitio Tandol, Barangay Buena Suerte, El Nido Linggo ng gabi.
Ayon sa spot report na nakuha ng Palawan News at pirmado ni P/Maj. Analyn Palma ng El Nido police station, si Sanchez ay Rank No. 10 sa most wanted personalities matapos sampahan ng kasong parricide dahil sa hinalang ito ang pumaslang sa kanyang sanggol noong May 29, 2020, sa Purok UHA sa Brgy. Tiniguiban.
Walang nakalaang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Sanchez na una pang isinugod noong nakaraang taon sa ospital dahil sa sugat sa may bahaging tiyan.
Sa imbestigasyon ng pulisya matapos mangyari ang pamamaslang sa sanggol, sinabi ni Sanchez na ang kanyang sugat ay nakuha niya sa pananaksak ng isang hindi nakikilalang lalaking suspek na pumasok sa kanyang bahay sa Tiniguiban.