Mga larawan mula kay Jeric Reyes

Naibalik na sa may-ari ang laptop na ninakaw sa kanya ng dalawang suspek noong Christmas Day (December 25) sa bayan ng El Nido, habang isa ang arestado mula sa dalawang suspek na pinaghihinalaang responsable sa pagnakaw dito.

Ang laptop ay ibinalik sa biktima na si Marlon Cruz Rohrer, 21, residente ng Sityo Cabugao, Barangay Masagana, El Nido. Ibinalik sa kanya ang gamit matapos niyang mabuksan  ang Samsung Silver i3 na laptop sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang password, ayon kay P/Lt. Alan delos Santos, hepe ng El Nido municipal police station.

Ang suspek na naaresto ay kinilala na si Joey Envento, 24, at ang isa na nakatakas ay napangalanan lang bilang si “Alyas Darwin”. Kapwa sila mga residente ng natura din na barangay.

Nangyari ang sinasabing pagnanakaw sa isang restuarant kung saan iniwan ni Rohrer ang kanyang laptop habang nag-swi-swimming sa dagat sa Masagana.

Sa video post ni Jeric Reyes na technician ng isang repair shop sa Brgy. Maligaya noong December 30, 2020, sinabi nito na ginising siya ng kanyang amo bandang alas sais ng gabi, para bantayan ang dalawang lalaki sa kanilang shop na nagbebenta ng Samsung Silver i3 na laptop.

Ibinibenta ito sa halagang P3,000 hanggang sa nagkatawaran na umabot sa P2,000.

“Ginising ako ng amo ko, saka binulungan ako na parang i-entertain ko muna yung dalawang lalaki at wag ko paalisin, kasi aalis lang siya para tumawag ng pulis. Kasi duda nga siya doon sa dalawa. Bukod kasi sa mura lang ang benta nila ng laptop, hindi nila alam ang password. At saka walang charger na kasama,” pahayag ni Reyes sa Palawan News.

Dahil na rin sa pagka-inip at medyo pagdududa na din ng dalawang lalaki na suspek, sinabi na ng mga ito na aalis na lang sila.

Mga 15 minutes ang lumipas pero hindi pa rin bumabalik ang may-ari ng cellshop kaya kinukuha na sa kanya ng dalawang lalaki ang laptop.

“Hindi pa rin bumabalik ang boss ko. Parang nagduda na silang dalawa, kaya kinukuha na nila ang laptop. Hi-nold ko pa din, tapos lumabas na yung isang lalaki. Medyo doon na siya sa may kanto. At saka dumating na ang pulis, bandang 6:20 p.m., pero nakatakbo na ang isa,” kuwento pa ni Reyes.

Sabi ni Delos Santos, kilala ang suspek na si Evento at si Alyas Darwin sa El Nido na nauugnay sa mga gulo. Si Evento umano ay tila siyang nagsilbi na “lookout” habang ang nakatakas ang itinuturong talagang nagnakaw.

Sabi ni Delos Santos, unang nag-report si Rohrer sa barangay matapos masalisihan at manakawan ng laptop.

“Pagdating namin sa lugar, ang nahuli na lang namin ay ang lookout. Ang kumuha talaga ng laptop na si Alyas Darwin, nakatakbo kaagad. Pero ang bag saka ang charger ng laptop nakuha na namin sa bahay n’ya,” pahayag ni Delos Santos.

“Pinapunta na din namin ang biktima sa station para makumpirma kung kanya nga ba yung na-recover na laptop. Yun nga, in-enter ang pasword, confirmed na kanya nga ang laptop,” dagdag nito.

Patuloy ang paghahanap sa nakatakas na si Alyas Darwin habang nasa kustodiya naman ng El Nido police station si Envento. Pareho silang sasampahan ng kasong theft.

 

About Post Author

Previous articleCity records zero firecrackers-related injuries
Next articleMBLT-4 performs donning of ranks to 11 promoted Marines
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.