Arestado sa bayan ng Coron ang isang suspek sa sinasabing notorious na pagnanakaw sa ilang mga bahay sa Coron ng Biyernes ng gabi.
Kinilala ni P/Maj. Thirz Starky Timbancaya, hepe ng municipal police station sa naturang bayan, ang suspek na si Jeruel Fabon na kilala rin sa kanyang mga alyas na “Lupin” at “Ulo”. Residente siya ng Sinamay, Coron.
Ayon kay Timbancaya, matagal na itong binabantayan ng mga tauhan ng istasyon dahil sa pagiging kilalang magnanakaw at itong ika-19 ng Hulyo, nakumpirma nila na may dati itong mga kaso tulad ng robbery at attempted murder kaya’t nagsagawa sila ng operasyon upang madakip ang suspek.

“Itong si Lupin o si Ulo ay numero uno, notorious na magnanakaw, pasaway, may report pa na involved siya sa illegal drugs at talaga namang napakadulas at mahirap daw hulihin. Nagkataon naman na may surveillance dahil sa kaliwa’t kanang reklamo ng pagnanakaw, lumabas na siya pala ay may standing warrant kaya nakipag-ugnayan tayo sa Mobile Taskforce Batallion na mga taga-region, kaya nahuli natin tong suspek,” paliwanag ni Timbancaya.
Nadakip ng mga pulis ang suspek sa isang painuman sa bayan ng Coron. Ninais pa umanong tumakas nito ngunit wala siyang nagawa dahil napalibutan na ng mga pulis.
Agad nilang inihain ang warrant of arrest at dinala ito sa istasyon ng pulis.
“Nahuli natin ito sa isang painuman, noong makumpirma nga ang kanyang pagkakakilanlan, itsura at damit, agad tayong naglatag ng mga tao sa mga lugar na puwede niyang labasan. ‘Yon nga hindi siya nakalabas pinipilit nyang makawala pero dahil nakapaikot na ang ating mga PNP operatives at ngayon nga ay nasa pangangalaga na natin siya,” ayon kay Timbancaya.
Sinabi rin ni Timbancaya na isa sa kanilang bibigyan ng pansin ay ang paglinis o pag-alis ng mga magnanakaw at gulo sa lansangan at handa naman umano silang magserbisyo ng 24 oras sa kanilang mga kababayan.
“Lilinisin po natin ang lahat ng pasaway, pag sinabing pasaway number po dyan ang magnanakaw, number 2 maoy at pangatlo street problem na kailangang marespondehan ng kapulisan, wag din sila mag-alala although natutulog din ang mga pulis ay 24/7, around the clock kami po ay handa pa ring magserbisyo sa kanila,” dagdag niya.