Isang 50 taong gulang na magsasaka ang naaaresto sa manhunt operation na inilunsad ng awtoridad matapos itong tumakas dahil sa pananaga ng isa rin na magsasaka noong Miyerkules ng umaga sa Barangay Calasaguen.
Ayon sa ulat mula sa Palawan Police Provincial Office (PPO) sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si P/Maj. Ric Ramos, ang inaresto sa manhunt operation ay si Reyne Masuela Mata, ang suspek na tumakas noong Setyembre 29 matapos tagain diumano ang 43 taong gulang na si Eardy Manga Segovia.
Nadakip si Mata bandang 1:31 ng hapon noong Miyerkules din matapos tagain ang biktima bandang 7:54 ng umaga. Ayon pa sa PPO, ang manhunt ay ikinasa ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) na nag-resulta sa pagkaka-aresto ng suspek sa Purok VII sa Brgy. Calasaguen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na may naging alitan ang suspek at ang biktima na nangyari noong Setyembre 28. Unang hinamon diumano ni Segovia si Mata nang away, ngunit sila ay naawat ng kapitan ng Calasaguen.
Kinaumagahan nang magpunta si Segovia sa bukid nito ay bigla siyang pinagtataga ni Mata. Mabuti na lamang ay nakatakbo ito at nakahingi nang tulong sa kanyang mga kamag-anak na nakatira sa malapit.
Si Mata naman ay agad na tumakas dala ang ipinangtaga kay Segovia, ngunit nahuli rin matapos ang ilang oras. Nasa kustodiya siya ngayon ng Brooke’s Point MPS para sa kaukulang disposisyon.



