Isang pinaghihinalaang shabu pusher ang inaresto ng mga operatiba ng Puerto Princesa City Police Office-Drug Enforcement Unit (PPCPO-DEU) pasado alas diyes ng gabi noong Miyerkules, May 1.
Kinilala ito ni Police Captain Noel Manalo bilang si Damsal Akul Akkoh na residente ng Barangay San Jose.
Ayon kay Manalo, naaresto si Akkoh sa ikinasang buy-bust operation ng PPCPO-DEU at ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ng city government kung saan nakuhanan ito ng anim na pakete ng pinaghihinalaang shabu at ang marked money na ginamit.
Dalawang beses din sinasabing nakabili kay Akkoh sa “test buy” ang mga asset ng pulis.
Nang tanungin kung saan kumukuha ng supply, hindi nito masabi sa mga pulis kung saan.
“Wala po akong direktang kontak sa kanya. Pinapaabot niya lang din sa akin. Kung mag-text naman siya, paiba-ibang number ang ginagamit niya,” sabi ni Akkoh.
Noong una ay itinanggi pa umano ng suspek na nagbebenta ito ng shabu pero dahil nakabili dito ang asset ng mga pulis ay napaamin na ito.
“Kinukulit lang kasi ako ng kakilala ko kaya ako nagbigay sa kanya. Pero ‘yan (shabu), ako lang po talaga ang gumagamit,” pahayag nito.
Mahaharap si Akkoh sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165.