March 02, 2021 |

Sofronio Española, maghihigpit sa mga alagang aso

Simula sa Pebrero ay maghihigpit na ang veterinary department ng Municipal Agriculture Office (MAO) sa bayan ng Sofronio Española kaugnay sa mga alagang hayop ng mga residente, partikular ang mga aso kung saan, huhulihin ang mga mga ito kapag pagala-gala at ilalagay sa isang dogpound.

Ang nasabing aksyon ay ipapatupad ng pamahalaang lokal ng Sofronio Española alinsunod sa Republic Act 9482 o ang Anti-Rabies Act of 2007.

Ayon kay Jojo Supe ng veterinary department, isang impounding team ang binuo ng kanilang tanggapan na siyang magsasagawa ng panghuhuli ng asong nasa labas ng bakuran ng nagmamay-ari nito.

Nanawagan din ni Supe sa mga may alagang aso na itali ang mga ito o kung hindi man ay siguraduhing hindi makakalabas ng bakuran.

“Maging responsible pet owner sana sila dahil kapag nakalabas ng bakuran ang aso at madaanan ng ating team ay baka magtaka sila pag hindi na nakauwi ang kanilang mga aso. Maghihigpit po tayo sa bagay na ito,” ani Supe.

“Nais nating isasaalang-alang ang kaligtasan ng ating mga kababayan para na rin sa kapakanan nating lahat,” dagdag niya.

Ayon pa kay Supe, ang mga asong mahuhuli ay dadalhin sa isang impounding area ng kanilang tanggapan at doon maaaring puntahan ng mga may-ari upang tubusin matapos magbayad ng kaukulang multa base na rin sa umiiral na ordinansa ng munisipyo.

“Una, magbibigay tayo ng warning. Pangalawa, may multang P200 at pangatlo pangatlo P300, kasama ang pagbibigay ng paalala na sana ay ingatan na nila ang alagang aso nila,” aniya.

Idinagdag pa niya na kapag ang asong na-impound ay walang magki-claim ay maghahanap sila ng maaring umampon sa mga aso bilang bagong may-ari.

Samantala, simula ngayong buwan ng Enero hinihikayat din ng MAO ang lahat ng may alagang aso na tumungo sa kanilang tanggapan at dalhin ang kanilang alagang aso upang maturukan ng anti-rabbies.

“Sa mga barangays natin, nag-post na po tayo ng mga schedules diyan sa mga barangay hall para mapaturukan ang kanilang mga alagang aso,” dagdag niya.

 

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry