Kasalukuyan ng itinatayo ng Smart Telecommunications ang tatlong karagdagang cell site nito sa tatlong dulong barangay ng Rizal upang mapalawak pa ang signal at internet connection sa bahaging ito ng Rizal, lalong-lalo na at kailangan ito ng mga guro at estudyante para sa distance learning.
Itinatayo ito sa mga barangay ng Panalingaan, Canipaan, at sa Taburi.
Ayon kay Arvin Fuentes, kagawad ng bayan, nagsimula na ang Smart telco na maghukay at magtayo ng mga nasabing tower sa tatlong dulong barangay ng bayan na nabanggit.
“Ang tatlong barangay na ito ay pinakadulo talaga ng Rizal na yan at sobrang welcome development ito dahil magkakaroon na ng signal yong mga dulong lugar ng Rizal,” ani Fuentes sa panayam ng Palawan News.
“Hindi na mahihirapan ang mga teachers natin diyan sa mga barangay na nasa dulo na ng Rizal, pati yong mga estudyante na sobrang kailangan nila ang access sa internet,” dagdag pa ni Fuentes.
Nauna nang itinayo ng Smart ang kanilang cell site sa Barangay Iraan sa bahaging norte ng Rizal noon pang huling linggo ng Setyembre at inaasahang matatapos ito sa 2021.
“Karamihan kasi sa mga barangay na yan sumasagap lang talaga ng signal ng Smart na nagmumula dito sa poblacion sa barangay Punta Baja. Minsan mahirap pa talagang makasagap sila ng signal kapag hindi sila pumunta sa mga matataas na lugar,” ayon kay Fuentes.
Isa ang bayan ng Rizal sa Palawan ang pinadalhan noong Agosto ng strict compliance order ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na madaliin ang paglabas ng mga aplikasyon ng mga nag-a-apply na telecommunications company sa mga munisipyo.