SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — May opisyal na bilang na 974 na ang nabakanuhan laban sa COVID-19 gamit ang Jannsen vaccine sa bayan na ito, ayon sa Municipal Health Office (MHO).
Nakapagsagawa ng vaccination ang MHO noong Biyernes, Agosto 6, sa mga barangay ng Abo-Abo, Labog, Pulot Interior, at ang iba namang indibidwal ay mula sa iba pa katulad ng Panitian, Iraray, at Punang.
Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Rhodora Tingson, nagpadala sa kanila ang Provincial Health Office (PHO) noong July 29 ng humigit kumulang na 240 Janssen vaccines kung saan mahigit 163 vials ang kanilang nagamit at mayroon pang natitirang 77 vials.
“Mayroon kaming schedule sa Pulot Interior ngayong Martes, August 10, and then sa municipal gym ulit sa Wednesday, though, targeted na ang pupunta, para hindi masyadong crowded,” pahayag ni Tingson sa Palawan News ngayong Lunes, August 9.
Ayon pa kay Tingson, ang natitirang 77 vials ng Janssen ay maaaring makapagbigay pa ng bakuna sa humigit 400 individual priority sa kanilang mga babalikang lugar tulad ng Pulot Interior at Pulot Center ngayong linggo.
“Sa isang vial kasi nito, ang maaaring mabigyan natin ay 5 to 6 individuals, at single shot lang po ito,” dagdag ni Tingson.
Wala pa siyang natatanggap na impormasyon mula sa PHO kung mayroong darating uli sa kanilang bayan na Janssen vaccines.
Paglilinaw ni Tingson, bagaman at single shot ang Janssen, kailangan pa ring mag-ingat ang mga nabigyan nito laban sa banta ng COVID-19 at sundin pa rin ang mga health protocol upang hindi mahawaan ng sakit.
Samantala, ngayong buwan din ng Agosto nakatakda ang para sa second dose ng mga una nang nabigyan ng Sinovac at AstraZeneca sa iba pang mga barangay sa nakalipas na buwan.
