Nasa 93 seaweed growers sa Barangay Culasian sa bayan ng Dumaran ang pinagkalooban ng iba’t ibang seaweed farming materials ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Palawan Fishery Provincial Office nitong Lunes, Oktubre 17.

Naipagkaloob sa bawat seaweed grower ang ilang mga materyales, katulad ng mga lubid at 50 plastic floaters.

Ayon kay Dumaran mayor Richard Herrera, ang programa ay resulta ng pakikipag-ugnayan ng opisina ni 1st District Rep. Egay Salvame sa opisina ng BFAR upang matulungan ang mga seaweed farmers sa naturang barangay bilang suporta sa kanilang hanapbuhay at pagkakakitaan.

Ayon pa sa kaniya, ang Brgy. Culasian ay isa mga lugar sa Dumaran kung saan nagkaroon ng malaking epekto ang bagyong Odette noong nakalipas na taon na sumira sa ilang mga taniman ng seaweeds sa kanilang baybayin.

“Sila ang may mataas na naitalang naapektuhan ang kabuhayan sa seaweeds noong panahon ng bagyong Odette. Ito ay panimula pa lamang ayon sa ating mahal na Congressman Egay Salvame. Kami ay lubos na nagpapasalamat sa kaniyang effort,” sabi ni Mayor Herrera.

Ayon kay municipal agriculturist Haidie Mendoza, target ng kanilang opisina na maipaabot din sa ibang mga barangay, kagaya ng Magsaysay at Danleg, ang mga programang magbibigay tulong sa mga seaweed growers.

“Kami naman po sa MAO, patuloy ang coordination sa BFAR at mismong Office of the Mayor upang mabiyayaan naman po ng ganitong mga programa ang mga growers namin sa aming bayan,” sabi ni Mendoza.

Dagdag ni Mendoza, ngayong taong 2022 ay maganda ang presyo ng bilihan ng produktong seaweeds sa kanilang bayan mula sa mga mamimiling pumapasok dito. Umaabot sa P180 kada kilo ang tuyo o dried seaweeds at P25 naman kada kilo ang fresh seaweeds.

“Sa threats po sa seaweeds sa Dumaran, wala po tayong record sa MAO, nitong mga nakalipas na taon may mga nalulusaw siguro sa sama ng panahon sa dagat pero ngayon maganda ang produkto at presyo,” dagdag niya.

About Post Author

Previous articlePCSDS, maritime police confiscate chainsaw, lumber in Busuanga and Coron
Next articleNasa 255 na pulis, ide-deploy sa Puerto Princesa para sa Undas 2022
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.