Isang vehicular accident ang naganap noong September 6, bandang 12:15 ng tanghali, sa kahabaan ng National Highway, Barangay San Jose, sa bayan ng Roxas, northern Palawan, kung saan sangkot ang isang utility vehicle na may tatlong foreigner na pasahero.
Nag-crash ang puting Toyota Hi-ace, na ayon sa ulat mula sa Palawan Police Provincial Office (PPPO), ay minamaneho ni Dindofredo Cañete, 49, residente ng Brgy. Mangingisda, Puerto Princesa City.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na ang sasakyan ay nagmula sa Puerto Princesa City at papunta sana sa El Nido.
Pagdating sa kurbadang bahagi ng lugar ng aksidente, nadulas umano ang likurang gulong ng sasakyan na nagdulot ng pagkawala ng kontrol ni Cañete kaya ito nag-crash.
Sa kabutihang-palad, walang nasaktan sa aksidente, kabilang ang driver at ang tatlong foreigner na pasahero.



