ODIONGAN, Romblon — Pinaghahandaan na ng pamunuan ng Romblon State University (RSU) at Romblon Provincial Government ang gaganaping Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC) Olympics 2019 sa probinsiya sa Nobyembre.
Ilan sa mga inihahandang sport facilities sa RSU compound ay ang olympic-size swimming pool, football field at tennis court na pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng mahigit P14 milyon.
Nagpasalamat naman si Dr. Arnulfo De Luna, presidente ng RSU, sa pamahalaang panlalawigan ng Romblon dahil malaking tulong ang mga nasabing sports facilities para sa mga estudyante lalo na sa tuwing nagho-host ng malalaking events ang RSU katulad ng Strasuc at mga Regional Athletic Meet.
“Sa tulong ng mga pasilidad na ito ay mas mahahasa pa natin ang galing ng mga atleta ng unibersidad bago ang aktwal na pagsabak sa sports competition,” pahayag ni De Luna.
Inaasahan na matatapos ang mga ipinatatayong pasilidad bago sumapit ang nakatakdang petsa ng Strasuc Olympics ngayong taon. (PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)