Inamin ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na inaasahan na ng kanyang tanggapan ang pagpapalaya sa pamamagitan ng piyansa kay dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kinahaharap nitong kasong malversation kaugnay ng umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Bulacan.
“We predicted this to happen. Alam naman namin ito. Meron talaga mangyayari na mukhang natrabaho, na magkaroon ng grant of bail,” ani Remulla sa kanyang programa sa radyo nitong Sabado, August 1.
Ang pahayag ay ginawa isang araw matapos payagan ng Sandiganbayan Third Division na makapagpiyansa si Revilla matapos nitong mapagpasyahan na hindi napatunayan ng prosekusyon na matibay ang ebidensya ng kanyang pagkakasala sa isinagawang bail hearing.
Dahil dito, sinabi ni Remulla na nais niyang makipagpulong kay Chief Justice Alexander Gesmundo bago ito magretiro sa Nobyembre upang matiyak na mananatiling matatag ang papel ng hudikatura sa kampanya laban sa korapsyon.
“I want to talk to the chief justice who will be retiring in November so that his legacy will be okay, will be good,” aniya.
Nanawagan din ang Ombudsman sa Korte Suprema na suriin kung may mga opisyal na umaabuso sa kanilang posisyon at repasuhin ang paraan ng pagdinig sa mga kaso.
“It takes a whole-of-government approach to solve this. The other half of it is the judiciary,” ani Remulla.
Matatandaang nakalaya si Revilla noong Biyernes matapos maglagak ng P1 milyong cash bond. Gayunman, nilinaw ng Sandiganbayan na ang pagpayag sa piyansa ay hindi nangangahulugang inosente siya, at magpapatuloy ang paglilitis sa kasong may kaugnayan sa umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Barangay Bunsuran, Pandi, Bulacan.



