SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Pinagkalooban ng ready-to-use supplementary food (RUSF) ng Provincial Nutrition Action Office (PNAO) ang bayan na ito upang mapababa ang pitong porsyento nitong malnutrition prevalence rate noong 2019.
Tinanggap noong unang linggo ng Setyembre ng Municipal Nutritions Action Office(MNAO) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Sofronio Española ang mga pre-packed RUSF.
Sa panayam ng Palawan News kay Grace dela Torre, ang MSWDO head ng munisipyo, sinabi niya na ang mga supplementary food ay ipamamahagi ng MNAO sa mga barangay na may mga identified underweight children.
“Malaking tulong talaga ito kahit papaano ay may mga supplementary foods ang mga underwieght children natin sa Española at kahit papaano makatulong sana ito para makadagdag sa kanilang mga timbang,”sabi ni Dela Torre.
Ayon kay Dela Torre, noong mga nakalipas na taon ay nasa pang 13 sa listahan ng mga bayan sa Palawan na may mataas na malnutrition rate.
“Kung tingnan natin ang 7 percent last year medyo syempre mataas pa rin pero umaasa tayo this year ay mapapababa natin ang nasabing porsyento. Tuloy-tuloy naman ang mga kampanya ng ating LGU at MNAO sa lahat ng barangay para sa malnutrition at malaking tulong syempre ang suporta ng mga parents sa kanilang mga anak sa pagpapakain ng tama lalo ng gulay sa kanilang mga anak,” sabi niya.
Inaasahan na ngayong ikalawang linggo ng buwan ay sisimulan na itong ipamahagi sa buong siyam na barangay na may mga identified underwieght children katuwang ang mga barangay health workers sa pangunguna ng MNAO.