Humigit-Kumulang 300 puno ng pine tree ang itinanim ng mga operatiba ng Sofronio Española Municipal Police Station (MPS) at 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (PPMFC), katuwang ang mga guro at estudyante na sumasailalim sa National Service Training Program (NSTP) sa bakuran ng Palawan State University (PSU) Española campus, araw ng Biyernes, Nobyembre 5.
Ayon kay Sandra Manzul, school director ng PSU-Española, ang naturang tree planting ay isinagawa sa hangaring maiangat ang antas ng pangangalaga sa kalikasan at upang madagdagan ang proteksyon ng paaralan laban sa kalamidad, partikular na sa pagguho ng lupa.
Dagdag ni Manzul, ang Sofronio Española MPS ang pumili sa PSU para maging benepisyaryo ng aktibidad na may kinalaman sa environmental conservation and protection.
“Pine tree lahat ang itinanim at umaasa tayo na mabubuhay lahat. Salamat sa lahat ng nakiisa, kay Sir Daniel Magbanua ng PSU, sa MPS at PPMFC,” pahayag ni Manzul.
Ayon pa kay Manzul, babantayan ng maigi ng pamantasan ang mga itinanim na puno upang matiyak na mabubuhay at lalaki ang mga ito.
Umaasa rin siya na ang aktibidad ay makakahikayat sa komunidad na magtanim din ng puno.
“We are also hoping that this activity will raise awareness in the community on the importance of planting and saving trees amidst this pandemic,” ani Manzul.
