Wala sa limang estudyanteng sakay ng dalawang motorsiklong aksidenteng nagkabanggaan sa Bataraza, Palawan, ang nakasuot ng helmet, ayon sa pulisya.
Apat sa kanila ang nasawi at isa ang nasugatan sa insidente noong Oktubre 18.
Batay sa pahayag ng Palawan Police Provincial Office (PalPPO), nangyari ang banggaan dakong alas 2 ng madaling araw sa Barangay Sumbiling.
Kabilang sa mga nasawi ang dalawang nagmamaneho, na isang 18 taong gulang at isang menor de edad, at tig-isang angkas nila.
Apat nasawi, isa sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Bataraza
Sa paunang imbestigasyon, patungo sa Barangay Buliluyan ang motorsiklong minamaneho ng 18 taong gulang, habang patungo naman sa Barangay Sumbiling ang motorsiklong dala ng menor de edad.
Mabilis umano ang takbo ng dalawang motorsiklo nang magkasalpukan ang mga ito.
Kapwa nasawi ang 18 taong gulang na driver at ang kanyang angkas, na mga residente ng Barangay Buliluyan.
Sa kabilang motorsiklo, nasawi ang menor de edad na driver at isa sa dalawa niyang angkas. Ang tatlo ay mga estudyante at residente ng Barangay Sumbiling.
Dinala ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Bataraza sa RTN Hospital ang nakaligtas na pasahero upang magamot.
Walang ibinigay na karagdagang detalye tungkol sa kanyang kondisyon.
“None of the drivers or passengers were wearing protective helmets at the time of the incident,” ayon sa PalPPO.
Ayon pa sa pulisya, naiuwi na ng kani-kanilang pamilya ang mga nasawi bago dumating ang mga rumesponde.
Kasunod ng insidente, nagpaalala ang PalPPO hinggil sa pagsusuot ng helmet, pagsunod sa itinakdang bilis, at pag-iingat sa pagmamaneho.
Nanawagan din ang tanggapan sa mga magulang at tagapag-alaga na huwag payagang magmaneho ng motorsiklo o iba pang sasakyan sa pampublikong kalsada ang kanilang mga anak na menor de edad.
Sinabi ng PalPPO na paiigtingin nito ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko at mga kampanya sa kaligtasan sa kalsada, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at Land Transportation Office.
Nangyari ang banggaan ilang araw matapos iulat ng Palawan News noong October 14 ang pahayag ng Highway Patrol Group na Palawan ang may pinakamataas na bilang ng aksidente sa kalsada sa MIMAROPA.
Ayon kay Police Lt. Col. Romulo Mabborang, provincial officer ng Provincial Highway Patrol Team, madalas masangkot sa mga aksidente ang mga motorsiklo at kabataan.
Binanggit niyang base sa mga pag-aaral, ang pagmamaneho matapos uminom ng alak, mabilis na pagpapatakbo, at madidilim na kalsada ang kadalasang dahilan ng mga aksidente.



