Itinuturing na malaking pagkakataon at tulong ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Rizal ang pagpunta ng Philippine Statistics Authority (PSA) upang magsagawa ng pagpapatala ng mga residente para sa National ID system.
Ang registration na isinasagawa sa Audio Visual Hall ng gusaling bayan at pinangangasiwaan ng PSA-Palawan personnel katuwang ang Municipal Civil Registrar ay nagsimula noong araw ng Martes, Hulyo 27, at magtatagal hanggang sa sa araw ng Linggo, Agosto 1.
Ayon kay Konsehal Arvin Fuentes, malaking bagay para sa mga mamamayan ng Rizal na makahabol ng rehistro para sa National ID System sa ikalawang pagkakataong ito na pumunta ang PSA sa kanilang munisipyo.
“Napakaganda ng programang ito ng PSA, para po sa ating mga kababayan lalot higit yong wala pang hawak na mga pagkakilanlan or valid ID. Ito na ang pagkakataon na magkaroon sila ng all in one ID magagamit po sa lahat ng transaction,” pahayag ni Fuentes, nitong Huwebes, Hulyo 29.
“Bagamat nagsagawa na ang PSA noon dito sa atin sa mga barangay, medyo marami pa ang hindi nakapa-rehistro kaya nagpapasalamat tayo sa pagkakataong ito na ibinigay ng PSA para makarehistro at makahabol ang iba pa,” dagdag niya.
