Makikita sa larawan ang pamamahagi ng mga seedling at planting material ng Municipal Agriculturist Office ng San Vicente sa mga magsasaka. | Photo credit to the owner

SAN VICENTE, Palawan — Patuloy na namamahagi ng mga seedlings at iba pang planting materials ang Municipal Agriculture Office (MAO) sa mga magsasaka dito upang matiyak ang seguridad nila sa pagkain.

Ayon kay municipal agriculturist Rufino I. Clavecilla, may sapat na supply ng palay sa buong munisipyo, at katuwang ang Department of Agriculture (DA), ay patuloy din ang pagtataguyod ng mga programa upang mapataas ang produksyon ng palay ng bawat magsasaka.

“Sa palay, sufficient tayo riyan. Tuloy-tuloy naman ang production sa ngayon. Tapos ang assistance na ibinibigay ng DA kasama na itong fertilizer voucher program at ang patuloy na pamimigay ng mga seeds,” pahayag ni Clavecilla.

Ayon pa sa kanya, namahagi sila ng mga planting materials tulad ng kamoteng kahoy at kamoteng baging sa mga magsasaka noong unang quarter ng taon. Marami sa mga tumanggap ng naturang pananim ang nakapag-ani na.

“Sa ngayon, ang nai-distribute na natin na mga planting materials ng cassava, ‘yung good quality na cassava, nasa 165,000 cuttings na. Ang sweet potato nasa 200,000 cuttings naman ang naipamigay natin. Ang iba niyan ay nakapag-harvest na,” ani Clavecilla.

“Sinisigurado rin natin na malagyan ang mga isla ng kamoteng kahoy at saka kamoteng baging para sa panahon ng taghirap mayroon silang mabubunot. Hindi sila mauubusan ng pagkain,” dagdag niya.

Nakapag-distribute na rin umano sila ng iba’t-ibang seedlings ng gulay at mais sa mga barangay, at nakatakda ring mamahagi ng mga semilya ng ube at gabi bilang bahagi pa rin ng mga programa sa food security ng munisipyo.

“Mayroon tayong naka-schedule na idi-distribute na nasa tatlong tonelada na semilya ng ube at magandang klase ng gabi,” pahayag ni Clavecilla.

Kaugnay pa nito, nakatakda ring ipakilala ng MAO sa mga Rural Improvement Club (RICs) ang proyekto sa pagpo-proseso ng gabi at ube upang maging powder na magagamit bilang sangkap sa mga lutuin.

“Ngayon magiging project siya ng mga RICs, mga women. P’wedeng itinda sa mga tyangge. Locally-made, mula sa gabi, ube, cassava at kamote at saka iba pa. Dini-develop pa natin ang konsepto. May mga technology iyan along the way,” aniya.

Itinataguyod na rin sa ngayon ng MAO ang “Balik Tangkilik Program” sa Bgy. Kemdeng na naglalayong makapaglikha ng mga semilya ng iba’t ibang legumes at root crops upang ipamahagi sa mga magsasaka ng San Vicente.

Previous articlePinakamataas na bilang ng COVID-19 case naitala sa bayan ng Taytay
Next articleLPA emerges near Mindanao
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.