Thu. Nov 21st, 2019

Programa kontra dengue ng DOH idinaan sa puppet show

Ang mga mag-aaral ay nakisayaw kay ‘Islaw Kalabaw’, ang mascot ng Philippine Information Agency, bilang bahagi ng Puppet Show ng para sa dengue awareness campaign ng Department of Health-Mimaropa noong ika-28 ng Agosto. (Kuhang larawan ni Madonna Punzalan/PIAIMIMAROPA)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro – Upang lubos na maunawaan ng mga batang nasa baitang apat hangang anim sa paaralan, idinaan ng Department of Health (DOH) Mimaropa at Philippine Information Agency ang programa kontra sa nakababahalang sakit na dengue sa pamamagitan ng puppet show na isinagawa sa mga paaralan ng Camilmil Central School at Adriatico Memorial School noong Agosto 28.

Bago ang nasabing gawain, nagbigay muna ng ilang impormasyon ang mga kawani ng DOH Regional Office kung paano nakukuha at ano ang nangyayari sakaling dapuan ng sakit na ito.

Ayon sa mga nasabing kagawaran at ahensiya ng pamahalaan, masusi nilang pinag-aralan kung paano lubos na maunawaan ng mga bata kung paano maipapaliwanag ang nakababahalang sakit. Dito nila nakita na madali nilang maisasalarawan ang nagiging sanhi nito sa isang dula tulad ng puppet show.

Samantala, dumalo din si City Health and Sanitation Department Head Dr. Basilisa Llanto upang ihatid ang sitwasyon ng dengue sa lungsod. Aniya, noong ikatlong linggo ng buwan ng Agosto, nasa 431 ang na biktima ng sakit at pag sapit ng huling linggo ay umabot na sa 459 ang naitalang kaso. Kanya naman pinasalamatan ang dalawang tanggapan dahil sa maigting na kampanya nila upang mapuksa ang sakit.

Ikinatuwa naman ng mga estudyante ang pagtatanghal at kanila itong ibabahagi sa kanilang mga magulang at kaibigan upang makatulong na mapigilan ang pagkalat ng dengue sa kalunsuran.

Kanila rin isinagawa ang kaparehas na aktibidad sa Pakyas Elementary School ng bayan ng Victoria at Lazareto Elementary School ng lungsod ng Calapan noong sumunod na araw. (DN/PIA-OrMin)

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry