Dalawa sa tatlong wanted na inaresto ng mga operatiba ng iba’t ibang municipal police stations (MPS) sa Palawan kahapon ay mga taga bayan ng Narra na akusado sa kasong panggagahasa.

Ang isa naman na mangingisda ay inaresto dahil sa kinasasangkutan na kasong frustrated murder, ayon sa mga spot report na ibinahagi ng Police Provincial Office (PPO) sa Palawan sa pamamagitan ni P/Maj. Ric Ramos, ngayong Linggo.

Ang mga akusado sa panggagahasa ay kinilala bilang sina Johnny Daus Bullawit, 36, residente ng Purok Masagana, Barangay Taritien, at Alberto Arsenio Magbanua, 67, residente ng Brgy. Antipuluan sa bayan ng Narra. Ang akusado naman sa kasong frustrated murder ay si Cenon Tayco Tumaob, 45, residente ng Brgy. Ipilan, Brooke’s Point.

Si Bullawit na isang magsasaka ay inaresto sa Taritien sa bisa ng warrant na inilabas noong Marso 25, 2022, ni Judge Ramon Chito R. Mendoza sa Brooke’s Point dahil sa kasong rape na naka-docket sa ilalim ng CC No. 20-01113-RZL.

- Advertisement -

Ang pag-aresto sa kanya ay bunga nang joint operation ng PIDMU, Palawan PPO, Narra MPS, 2nd Platoon, 1st PPMFC, RIDMD, Rizal MPS, at PNP Maritime Group, Quezon Special Boat Unit.

Walang itinalagang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Bullawit na ngayon ay nasa kustodiya ng Narra MPS.

Arestado rin kahapon, Mayo 28, ang isa pang suspek sa panggagahasa na si Magbanua sa Brgy. Antipuluan sa Narra sa pamamagitan ng joint operation na ikinasa ng Sofronio Espanola MPS, RIU-4B PIT Palawan, RIU-6 PIT Antique, RIU-4B, CIT Puerto Princesa City, Valderama MPS-Antique, PALPIU, 1st PPMFC, at Narra MPS.

Hinuli siya sa bisa ng warrant na ibinaba Judge Mario G. Andres Jr. ng Branch 64, 6th Judicial Region ng Regional Trial Court (RTC) sa Bugasong, Antique na may petsang Nobyembre 14, 2019. Walang inirekomendang piyansa para sa kanya na ngayon ay nasa kustodiya rin ng Narra MPS.

Si Tumaob naman na nahaharap sa kasong frustrated murder ay inaresto sa Brgy. Marangas sa bayan ng Bataraza sa joint operation ng Bataraza MPS, Malay MPS, Aklan PPO, PIU, Palawan PPO, RMFB, at 3rd Platoon, 1st PPMFC.

Ang warrant of arrest ay ibinaba sa kanya noong Nobyembre 21, 2012, ni Judge Jemena Abellar Arbis ng Branch 6 ng 6th Judicial Region ng RTC sa Kalibo, Aklan. Ang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya habang dinidinig ang kaso ay P200,000.

Nasa kustodiya siya ng Bataraza MPS.

Previous articleCloudy skies, rainfall expected over Palawan due to habagat; LPA to enter PAR Sunday
Next articleLalaking nagpakilala na taga NBI inaresto ng CIDG
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.