Dalawang lalaki na wanted ang inaresto ng awtoridad dahil sa mga kasong panggagahasa at hindi pagdalo sa pagdinig ng kanyang kasong tangkang pagpatay sa mga bayan ng Bataraza at Taytay sa lalawigan ng Palawan noong Pebrero 13 at Pebrero 15, 2022.
Ang mga inaresto ay kinilalang sina Bernabe Cabrera Lumanog, 61, residente ng Barangay Marangas sa Bataraza, at si Rodelio Torga Viejo, 40, residente ng Brgy. Pularaquen (Canique), Taytay.
Naaresto si Lumanog noong Pebrero 13 dahil sa kasong panggagahasa sa bisa ng warrant na ibinaba ni Judge Ramon Chito R. Mendoza, presiding judge ng Branch 165, 4th Judicial Region, Regional Trial Court (RTC) noong Setyembre 9, 2021.
Si Viejo naman ay inaresto noong Pebrero 15 sa Taytay sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Raul Jagmis Jr. ng Branch 95 sa Roxas, Palawan, noong Enero 5 dahil sa non-appearance para sa kasong attempted murder. May nakalaang piyansa na P120,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.